"The true harvest of my life is intangible - a little star dust caught, a portion of the rainbow I have clutched."
---Henry David Thoreau
RED
- Hindi ito ang paborito kong kulay. Hindi ko alam kung bakit. Pero karamihan sa mga kamiseta ko, kulay pula. Palagi kong binabalak bumili ng bagong t-shirt, yung ibang kulay.Pagpunta ko sa mall, nalulunod ang mga mata ko sa dami ng mga t-shirt. Pagkatapos ko mag-ikot ng apat na oras. Ang nabili ko, tatlong t-shirt. Kulay pula.
ORANGE
- First year high school ako noon. Nagrereview ako para sa Periodical exam. Narinig ko mula sa transistor radio ng kapitbahay, ang radio program ni Ernie Baron. Ang sabi nya para raw tumalas ang memorya, tumitig sa matingkad na kulay. Gaya ng orange. Tumingin ako sa paligid. Nakita ko ang kulay orange na reflector ng bisikleta ko. Kinalas ko iyon. Tinitigan ko buong gabi. Kinabukasan, masaya kong sinagutan ang exam.Subject: Filipino. Bumagsak ako. Kalahati ng klase, bagsak din. Napaisip ako. Hindi lang yata ako ang nakinig kay Ernie Baron. Hindi lang yata ako ang tumitig sa kulay orange. Napangiti ako.
YELLOW
- "I drew a line,I drew a line for you,Oh what a thing to do,"
Ito ang linya mula sa paborito kong kanta ng Coldplay. Galing sa album nila na Parachutes. Una kong marinig ang kanta, tumindig na ang balahibo. Nang mapanuod ko ang music video, napa-wow ako. Dahil sadya akong inggitero, nainggit ako. Gumagawa ako ng sarili kong music video...sa loob ng banyo.
GREEN
- Nabasa ko sa isang tabloid dati, Remate. Yun kasi ang binibili ng tatay ko. Wala akong ibang binabasa dun kundi horoscope lang. Promise. Hindi ko nga alam ang istorya nina Kristal, Tonyo, Nene at Magda. Hindi ko nga ginupit yung picture ni Ynez Veneracion. Kasi horoscope lang talaga binabasa ko. Nabasa ko na GREEN ang lucky color ko. Kaya kapag nasa “What is your favorite color:” na ako ng slumbook, GREEN ang isinusulat ko.
BLUE
- Noong bata ako, para matuto akong lumangoy. Tuwing linggo, sakay ng isang bangkang de motor. Isasama ako ng tatay ko sa laot. Kasama ng aso namin, si Sharon. May baon kaming monay na may palaman na sardinas at isang litrong coke. Pagdating sa laot, ihahagis ako ng tatay ko sa tubig. Kasama ng aso namin. Ewan ko ba, balak yata akong patayin ng tatay ko. Kapag hindi ko na kaya at nalulunod na ako. Hahatakin ako ng tatay ko sa bangka. Kakain ng baon naming meryenda.
INDIGO
- Sabi nila, wala naman daw talagang indigo. Ano ba naman kasi ang indigo? Alanganing blue. Alanganing violet. Kumbaga, sya yung nasa gray area. Kung may Yes or No, sya yung or. Kung nasa gray area sya, hindi sya indigo. Gray sya. Pero sabi nila, wala raw talagang gray area. Dahil it is either OO at HINDI lang. Hindi ako naniniwala dun. Kasi ang buhay ko ay laging nasa alanganin. Isang malaking Indigo.
VIOLET
- Minsan sa buhay ko, tumira ako sa Nagcarlan, Laguna. Nagbakasyon ako roon. Mahigit isang taon din. Natikman ko ang lambanog. Mas masarap kesa gin. Pwedeng bilhin sa tindahan ng tingi. Parang toyo at suka lang. Masarap inumin kahit walang pulutan. Minsan bahaw lang ang katapat. Solve na! Paggawa ng kakaning ube ang ikinabubuhay ng marami doon. Syempre minsan tumutulong din ako. Naghahalo at nagmamasa ako ng ube. Araw-araw kumakain ako ng ube. Nakakasawa pala yun. Araw-araw din naliligo ako sa isang sibol. Sa gitna ng gubat. Sa umaga at sa hapon. Hubo’t hubad.
Ako si ACRYLIQUE at ito ang ilan sa mga kulay ng buhay ko. Ang bahaghari na kumukulay sa kalangitan ko. Ang liwanag na sumasabog sa bukang liwaway at sa dapithapon. Ako ang pintura, ang buhay ang aking obra. Mga kulay na tinitimpla ko, magmula pa noong nakita ko ang liwanag sa mundo.
Post Note:
Hindi ko na kamukha ngayon ang mga nasa larawan.
"I will color the world one step at a time..."