Wednesday, May 27, 2009

TOBLERONE

" If some lives form a perfect circle, other take shape in ways we cannot predict or always understand. Loss has been part of my journey. But it has also shown me what is precious. So has love for which I can only be grateful." - Message in a Bottle (Nicholas Sparks)


Kababata ko si Gallie. Galisin kasi sya noon. Kaya Gallie ang pinangalan naming magkakalaro sa kanya. Umiyak man sya, wala syang magagawa. Kaya pinanindigan na lang nya. Madalas kami maglaro sa mga tuyong palaisdaan at sa mga puno ng sinigwelas. Binigyan namin ng mga pangalan ang mga punong ‘yon. Sina Aida, Lorna at Si Fe, iyong malaking puno ng sampalok si Romnick.

Kasama ko sya nung tinuli ako. Nag-dive sa ilog mula sa tuktok ng bakawan. Humila ng bangka hanggang sa tabsing. Nanghuli ng talangka, alimango, kabyos, hipon at dikya. Naglaro ng lutu-lutuan, bahay-bahayan at aswang-aswangan. Sya ang kasama ko kapag tumatakas sa tanghali dahil pinapatulog ako ni nanay. Nagdikdik na rin kami ng gumamela para gawing bubbles. Nagpalipad ng saranggola. Naniwalang nakakarating sa langit ang lumipad na lobo.Nag-wish. Naligo sa ulan. Nanuod ng buhawi. Nagkarera ng bangkang papel. Nagpalipad ng libo-libong eroplanong papel. Sumisid na rin kami sa baha. Lumangoy sa ilog kasama ng patay na aso, inuuod na manok, tae ng tao at kung ano-ano pang basura. Pinalakpakan namin na parang kalapati ang dumadaang helicopter at eroplano. Umiyak at nag-evacuate nung nanalanta ang bagyong Unsang. Nanilip sa dingding ng kapitbahay kapag nanunuod sila ng bold. Naki-isyoso at tinawanan ang mag-asawang kapitbahay na nagbabatuhan ng kutsilyo. Dinilaan ang mga dahon ng bakawan sa likod bahay dahil nag-aasin ang mga ito. Sa gabi, nagkwentuhan ng mga nakakatakot sa ilalim ng bilog na buwan.nagbilang ng mga bituin. Naghintay ng bulalakaw.Tinitigan ang buwan. Tinitigan din ang araw. Itinago ang kabiyak na tsinelas ng mga kaaway namin para paggising nila ng umaga, iiyak sila. Naglaro ng langit lupa, appear disappear, bending, piko, patintero, mother mother,timpalok at bioman. Nanghuli ng mga alitaptap. At nagsayaw ng Toni Poponi.

Cute si Gallie, masayahin, bungisngis, mapang-asar, makulit, as in makulit talaga, pero sweet. Lagi kami magkasama. Parang yung tula na Ang amo at Asong mataba. Matapang si Gallie, buo ang loob. Minsan nga hinabol kami ng aso. Pero ako lang ang tumakbo. Inupakan nya ang aso.

Isang eskwelahan lang ang pinasukan namin ng elementary at high school. Pero pagdating ng college, sabay rin kami nag-campus hunting. Nagkopyahan sa entrance exam. Pero ako lang ang mag-aaral sa Maynila. Kailangan nya kasi tumigil sa pag-aaral. Nagkaproblema ang pamilya nila. Hindi na nya ako pinansin. Hindi nya ako kinibo. Hindi na sya sumasabay sa akin. Nagalit yata sya. Nagtampo. Sa numang dahilan, hindi ko alam. Matagal kami di nagkita. Mga tatlong taon.

Minsan pag-uwi ko sa probinsya, nakita ko sya. Humaba na ang buhok nya. Pumuti sya. Lumaki ang boobs. Gumanda sya. Nakasabay ko sya nung minsang umigib ako sa poso. Sa wakas, kinausap na nya ako. Malamang nagkamustahan kami. Na-miss ko sya. Ang cute pa rin ng dimples nya.

May boyfriend na pala sya.

At nahilig na sya sa chocolate. Kasi ang sabi nya, minsan daw pasalubungan ko sya ng Toblerone. Kaya magmula noon, bago ako umuwi sa probinsya, dadaan muna ako sa SM para bumili ng Toblerone. Isang araw, wala nang tatanggap sa tsokolateng dala ko. Nakipagtanan na si Gallie.

Maraming araw na ang lumipas sa kalendaryong bold na binigay sa akin ng ahente ng Tanduay. Hindi ko na sya nakita. Balita ko may anak na sya. Babaero ang asawa. Palagi ko sya naaalala. Sana isang araw kumatok si Gallie sa pintuan ng bahay ko. May ngiti sa labi. May dalang balutan, kasama ang anak nya at bibiruin ako.

“Bestfriend, nasaan na ang Toblerone ko?”

Kapag nangyari ‘yun, di ko na ibibigay sa kanya ang Toblerone. Para sa anak na nya iyon.
Nagmula ang larawan dito...
"I will color the world one step at a time."

12 comments:

Niel said...

ok... header pa lang ng blog, nakyutan na ako. sa 1st two post mo, may napapansin na ako na style, na lalong naging obvious dito. may kakaiba kang boses kompara sa mga blog na binabasa ko. i must say i'm impressed. since i met you from another site, hindi ko na-expect yun.

keep up the good work.

*claps*

ACRYLIQUE said...

**blush**

Hehe, Thanks Niel...

Napansin mo pala, iyon siguro ang Alter-ego ko... :)

**bow**

Herbs D. said...

HY :)

At first i thought Gallie was a guy. im just really confused i guess. sabi mo kasing kasama mo siyang tinuli eh. so..diba? hehe

i can see that you're pretty new here. so hey! :D welcome to the blogosphere sweeetie.

hope to hear from you soon :)

p.s. yes, TOBIES are my favorite.

citybuoy said...

ang nice naman! hehe nakakatuwa... nanostalgia ako kahit na di ako nakarelate sa lahat ng sinabi mo.

sana nga kumatok na siya diyan. no one deserves to be cheated on.

gillboard said...

is this fiction or totoong kwento? ganda ng pagkakagawa, may naaalala akong isa pang blogger na kagaya mo magkwento.. galing..

ACRYLIQUE said...

@HERBS - Hehehe, Nanood sya nung tinuli kami... Yumm Tobies!! :)And meron din dyang male version ni Gallie... Thanks Sweetie... :)

@CB - Mas nakakatuwa ang pagbisita mo, Salamat ng marami... :)

@Gillboard - Maraming Salamat... Ito ay base sa tootong pangyayari (MMK) :)

Algene said...

sorry at hindi ko na nabasa ang buong post. basta nasarapan ako sa toblerone. just letting you know. ;)

hehe.. i'll visit your blog next time. inaantok na ako eh..

ACRYLIQUE said...

hahaha... Maraming salamat sa time Algene..

Yummy Toblies!!

Till next!! :)

escape said...

i really like how toblerone's form. it's best to bring with you anywhere and eat it bit by bit.

ACRYLIQUE said...

@the donG - hehe and let it melt in your tongue..

Rouselle said...

I liked this story, although it has a pretty sad ending. Feel sad for Gallie and her baby and the Toblerones in her life that she let pass ; )

ACRYLIQUE said...

Salamat uli Angel...

Who knows, sasaya din sila sa huli.. :)