Thursday, May 28, 2009

ANG MAGNANAKAW

Adam was but human-this explains it all. He did not want the apple for the apple's sake, he wanted it only because it was forbidden”- Mark Twain





Nakaugalian ko na ang magpunas ng alikabok ng sapatos ko sa may hagdan sa labas ng inuupahan kong apartment. Habang nilalanghap ang bangong dulot ng nilulutong pandesal sa isang malapit na panaderya. Nabili ko ang mga sapatos na ito sa isang lalaking putol ang kanang kamay na may hilang kariton.


Habang namimili ako ng sapatos sa kariton nya, napansin ko ang isang babaeng nakasandal sa dingding. Nakahalukipkip at nakatigtig sa akin. May katabaan sya at may mga namimintog na pimples sa magkabilang pisngi. Ngumiti sya at umiling. Sa tingin ko, hinihintay nya ako. Ang akala ko isa lang sya sa mga taong nakakakilala sa akin at gustong makipag-usap. Kaya nginitian ko rin sya. Ngunit nabigla ako nang tawagin nya akong, “MAGNANAKAW!”

Noong una, hindi ko sya maintindihan, akala ko nagbibiro lamang sya. Dahil nakangiti pa rin sya sa akin. Ngunit nang tingnan ko sya muli, seryoso na sya. Inayos ko ang aking sarili at lumapit sa kanya. Sinabi ko na nagkakamali sya.

“Mister, hindi ako nagkakamali, halika, sumunod ka sa akin.”

Sinundan ko sya sa pagtawid ng kalsada. Papunta sa isang pamilyar na lugar. Naalala ko na, sya ang may-ari ng isang maliit na tindahan sa kanto. Nagpunta ako roon bago bumili ng karne.

May mga taong nagkumpulan sa harap ng tindahan. Mga lima o anim na babae at lalaki. Hinayaan nyang mauna akong pumasok sa tindahan. Tumayo sya sa counter na parang isang hukom. At ang lahat ay nakiisyoso sa likuran ko.

Isa raw sa mga taong nandon ang nakakitang patago akong kumuha ng mga mansanas.

Tumanggi ako.

“Nakita kita!” sabi ng isang babae sa likuran ko. “inilagay mo ang mga yon sa hawak mong plastic bag!”

Tiningnan ko sya. Biglang niyakap nya ang kanyang handbag na parang pinoprotektahan nya mula sa akin.

“Hindi totoo yan!” sabi ko.Nagbulungan ang mga usisero.”Hinawakan ko lang ang mga ‘yon, pero ibinalik ko rin.”

Ipinakita ko ang dala kong mga plastic bag sa magkabilang kamay. “Mayroon akong dalawang kilong mansanas ditto. Pero binili ko ito sa kabilang tindahan.”

Masama ang pagkakatitig ng dalawang lalaki sa akin. Alam ko ang iniisip nila. Nakatayo pa rin ang may-ari ng tindahan sa may counter at naghihintay sa susunod ko pang sasabihin.

Maraming bagay ang nagpaikot-ikot sa utak ko. Pero di ko pa rin alam ang sasabihin. “Maniwala kayo sa akin,” sabi ko.

Umiling sya. Naramdaman kong namula ang mukha ko. Alam ko iniisip nya, sinungaling ako.

Isang pulis ang napadaan sa tindahan at isa sa mga usisero ang tumawag sa kanya. Pumasok ang pulis. Hawak ang pagkakasakbit ng baril sa kanyang baywang. Dumarami na rin ang mga usisero. Kinausap nya ang may-ari ng tindahan. Lumapit sa akin ang pulis. Pinakalma ko ang aking sarili. Mayroon syang pakurbang pilat sa ilalim ng mga mata. Kilala ko sya. Madalas ko syang makita sa kanto na nag-aayos ng trapiko.

“Ginawa mo ba ang inaakusa nila sa’yo?” ,malumanay nyang tanong.

“Hindi po, sir.” Sagot ko, kasunod ng isang malalim na buntong-hininga.

“Sinungaling!” sigaw ng babae na yakap ang handbag.

“Makinig kayo!”, sabi ko. “Pumunta tayo sa kabilang tindahan…Binili ko ‘to…Sasabihin nya sa inyo…Mapapatunayan ko…” Tumugil na ako. Nahihiya akong marinig ang sarili ko na nagpapaliwanag na parang limang-taong gulang na bata, habang tinitingnan ang bawat mukhang naroon. Alam ko wala silang tiwala sa akin. Wala man lang kumurap o ngumiti.

“Halikayo!” sabi ko. Habang kakabakabang lumabas ng tindahan. At ang mga usisero’y parang langaw na nagsisunod.

Sumabay sa akin ang pulis at ang may-ari ng tindahan sa likuran ko. Naririnig ko ang mala-bubuyog na bulungan ng mga usisero.

“Hindi ako makapaniwala”, sabi ng pulis. Umaasang sabihin nya sa akin na huwag mag-alala. Natatakot ako na baka maniwala syang magnanakaw ako.

Ramdam ko ang pag-ihip ng malamig na simoy ng hangin. Tumingala ako sa langit. Pinagmasdan ko ang silahis ng papalubog na araw na gumuguhit sa makulimlim na kalangitan. May isang dosena o higit pa ang nakadungaw sa mga bintana ng mga nagtataasang apartment na nagbubulungan habang kami’y nagdaraan. Yumuko ako, dahil sa kahihiyan. Sumabay sa pag-ihip ng hangin ang mga tuyong dahon sa malamig na sementadong daan.

Muntik na akong madapa dahil sa gulat nang biglang may tumawa ng malakas sa tabi ko. Ang matandang pulubi pala. Madalas ko syang makita na nakaupo sa may bus stop. Nakataas ang paa na nangingintab sa dami ng peklat. Bitbit ang kanyang mga basura.

“Nahuli ka pala nila , Jose? Kung ganon, oras mo na!” sabay tawa ng napakalakas. Hanggang sa lumabas ang maiitim nyang gilagid at natitirang ngipin. Mas malaki sa kalahati, oblong at nakatagilid.

Sa araw-araw naming pagkikita sa bus stop, madalas nya akong bigyan ng dyaryo na iniwan ng mga tao dun. Bilang kapalit, kadalasan din binibigyan ko sya ng kahit na magkanong barya mula sa bulsa ko. Tinatawan nya ang bawat taong makita. Tinatawag ang pangalan at kinakausap. Nalaman ko na wala pala syang kilala na kahit na sino. Tinatawag lang nya ang mga tao sa kahit na anong pangalan na maisip nya.

“Di ko ginawa yun”, sabi ko sa pulubi. Pero tumawa lang sya ng tumawa. Hinawakan ng pulis ang braso ko at hindi na binitawan.

Nakarating na kami sa itinuturo kong tindahan. Makitid lang ang tindahan at may aandap-andap na bombilyang nakasabit sa kisame. Ang matandang babaeng may-ari nito ay nakaupo sa isang bangko at naggagantsilyo. Nakapusod ang mahabang puting buhok at may salamin na nakasabit sa dulo ng kanyang ilong. Tumayo sya at pinagmasdan ang mga taong nagsisiksikang pumasok sa pintuan ng tindahan.

Magkakabukod sa bawat kahon ang paninda nyang prutas. May mangga, ubas, peras, dalawang kahong mansanas at isang kahong ponkan sa may pintuan.

Ang pulis ang nagtanong sa kanya kung talagang bumili ako ng mansanas.

“Naaalala ko pa sya”, kasabay ng pagtango ng matandang tindera.

Kinuha ng pulis ang isang plastic bag ng mansanas na hawak ko. Itinaas nya na parang manok. Tinanong nya ang matanda kung gaano karami ang binili ko.

“Dalawang kilo”, sagot nya. Inilagay ng pulis ang mga mansanas sa latang timbangan. Walang kurap na tumitig ang mga naroon kung saan tuturo ang kamay ng timbangan. Nanginginig itong tumapat sa eksaktong DALAWANG KILO AT DALAWANG GUHIT, pagkatapos ay tumigil dun.

“Hayan ang ebidensiya!” , sigaw ng babaeng yakap pa rin ang handbag. Napansin kong naglulumukso sya sa tuwa. “Siya ay magnanakaw! Nakita ko sya! Ako, ako ang nakakita!”, sigaw nya na nanlalaki ang mga mata na parang kuwago.

“Hindi!”, sigaw ko naman. “Mali yan!”

Tumango ang matandang tindera. “Tama sya. Dalawang kilo ito. May maliit na sira ang timbangan ko. Kaya sumosobra sa timbang. Pero aayusin ko rin ito.”

Bakas sa mukha ng pulis kung maniniwala sya sa matanda. Nag-iisip sya. At hindi pa rin nya binibitawan ang mahigpit na paghawak sa braso ko.

“Sa tingin ko, wala syang kasalanan”, sabi ng pulis, kasabay ng pagbitaw sa namumula kong braso.

Ako’y nagbuntong-hininga habang hinihimas ang nangangalay ko pang braso. Para patunayan wala akong tinatago pang mansanas, ipinakita ko ang laman ng aking bulsa. At ang plastic bag ng isda at karneng binili ko. Iniabot ko ito sa matabang tindera na may-ari ng isa pang tindahan. Tiningnan ng mabuti ang mga laman nito.

Nang wala syang makitang mansanas, nginitian ko sya at itinaas ang kilay, “OK na po?”

“Magnanakaw!”, pagpupumilit na sigaw ng babaeng yakap pa rin ang handbag. Bumubulong-bulong habang nagmamadaling lumabas ng tindahan.

Tumalikod na rin ang pulis at umiiling-iling. Alam ko may duda pa rin sya sa akin. Nag-alisan na rin ang mga usisero. Pinanood ko ang pag-alis nila. Naging maaliwalas na ang kaninang maiinit at masikip na tindahan. Madilim na rin sa labas at nagsimula ng umambon. Naiwan ako at ang matandang tindera sa loob ng tindahan. Umaliwalas na rin ang aking pakiramdam habang pinagmamasdan ang mga ilaw ng mga sasakyang nagdaraan. Isinabit na ng matanda ang CLOSED sign sa pinto ng tindahan. Tumayo sa tabi nito at nakahalukipkip, naghihintay sa paglabas ko. Pero ayoko pang umalis. Nagkibit-balikat na lamang sya , nagbalik sa kanyang upuan at naggantsilyo.

Tumayo ako sa likod nya ng mahigit dalawang minuto, habang pinakikinggan ang paglagitik ng paggagantsilyo nya. Pinagmasdan ko ang kulubot nyang batok. Hinihintay kong lumingon sya, pero di nya ginawa.

Sa paglabas ko ng tindahan, patago akong kumuha ng apat na ponkan sa tabi ng pinto at mabilis na inilagay sa hawak kong plastic bag.


Nagmula ang larawan dito...

"I will color the world one step at a time..."

14 comments:

ShatterShards said...

Leche! Ayun lang ang masasabi ko. Hahaha! Natawa ako sa ending ng istorya mo. ;-)

ACRYLIQUE said...

Haha. Salamat sa Pagbasa ShatterShards... Salamat sa time kasi medyo may kahabaan.. :)

yun din ang nasabi ng nanay ko nung pinabasa ko sa kanya.. :)

Rouselle said...

Tsk, asar naman, ok na sana eh :D

Very nice.

ACRYLIQUE said...

Haha. Salamat Angel...

**hugs**

citybuoy said...

haay nastress ako.. sarap hampasin ng mansanas yung babae.

napanood mo ba yung malena ni giuseppe tornatore? parang naaalala ko siya sa kwento mo. dahil lahat ng tao, iniisip pokpok siya, nagpakapokpok nalang siya. sarap sumuko when everyone else thinks you're guilty anyway..

ACRYLIQUE said...

@CB - Salamat din sa precious time.. :)

Hindi ko pa napapanuod yung movie.
Hahanapin ko yan.. :)
Tama ka, minsan gagawin ko na lang ang isang bagay na ibinibintang sa akin.. :)

citybuoy said...

tama pala takeaway ko sa post mo. hehe

wag mo nako imassage.. dinaan ko nalang sa tubig. haha

ACRYLIQUE said...

@CB - haha. Salamat ulit.

Cge next time. Ipagtitimpla kita ng tubig.. :)

gillboard said...

napakamakata ng mga tauhan mo.. hehehe

The Green Man said...

Nangyayasri kaya ito sa tunay na buhay? Sa palagay ko oo... pero duda ako kung makakawitness ako ng ganito habang ako'y nabubuhay...

Buti nalang sinulat mo. SALAMAT.

ACRYLIQUE said...

@Gillboard - Makata po ba?
Hahaha. Salamat po sa oras at pagbasa... :)

@The Green Man - Wala po anuman Ginoo. Walang imposible sa buhay. At iyon din ang dahilan kung bakit ko ito naisulat. Maaaring mangyayari ito sa akin o sa ibang tao. Nandito man ako o wala na.

SALAMAT din po.. :)

Niel said...

pero feeling ko, yung babaeng bintangera kumuha ng epol.

Niel said...

PS
may naalala akong mga pulitiko. marami.

ACRYLIQUE said...

@Niel - **welcome back** :)

Uu nga, feeling ko nga rin. Lintik na babae yun.. Lintik na mga pulitiko yan... :)