Sunday, May 31, 2009

HAUSMATE

"Did you know that when you walk at night, there's a 30% chance that your body will be heavier because some spirit ride at your back?"
- Time Magazine



2:00 am, malapit na ako umuwi. Bago maghilamos, hinubad ko ang puting t-shirt na suot ko na namantsahan ng alikabok at grasa. Ipinunas sa mukha, balikat at dibdib ko. Amoy pawis. Binuksan ko ang locker, kinuha ko ang malinis na damit. Nagbihis ako. Ito ang pangkaraniwang ginagawa ko sa locker room ng pabrika ng ganitong oras kasama ng iba pang lalaking nagtatrabaho rito.

2:30 am, kasama kong lumabas ng pabrika si Ramil. Nagyosi kami sandali. Pagkatapos, umuwi na. Muslim si Ramil. Pero mukhang bombay. Maskulado. May punto kung magsalita. Madalas na kinakantyawan dahil hindi maintindihan ang ilang salitang sinasabi nya. Sya ang madalas kong kakuwentuhan, ka-apiran, kasikuhan at kachest-bumps. Isang kanto ang layo ng boarding haus nya sa tinitirahan ko.

2:45 am, nagsimula na kaming maglakad pauwi. Bilog ang buwan. Maliwanag ang daan sa talahiban. Sa shortcut kami palaging dumadaan. Mas maikli ang lalakarin namin. Yun nga lang, matalahib. Makuliglig. Minsan malanggam. Malamig ang hangin. Ang mga puno sa di kalayuan ay parang mga taong nakabarikada at naghihintay.

2:55 am, sa tapat ng kawayanan biglang tumigil sa paglakad si Ramil. Naiiihi daw sya. Kasabay ng pagbukas ng zipper nya at ng lawiswis ng kawayan, nagsindi ako ng yosi. Sumipol sya. Pinagmasdan ko ang anino nya. Parang bukas na gripo ang lagaslas ng ihi nya. Kumaligkig. Isinara muli ang zipper. Humingi sya ng yosi at nagpatuloy sa paglakad. May pumaswit. Liningon namin kung saan nanggaling. Nagkatinginan kami. Nagngitian. Bumilis ang paglakad namin.

3:05 am, sa matuling paglakad narating na namin ang kanto papunta sa tinitirahan nya. Nag-chest bumps, nag-high five at nag-see-you-bukas-bro. Ako na lang mag-isa. Mas binilisan ko ang paglakad. May nakasalubong akong aso. Kumahol sya. Galit na galit sa anino ko. Pumulot ako ng bato. Binato ko. Tumakbo ang aso habang umaalulong. Sa gilid ng mata ko, may nakitang akong taong tumatakbo. Tumingin ako sa paligid. Walang ibang tao.

3:13 am, nasa pintuan na ako ng boarding haus. Pumasok ako. Basa ng pawis ang likod ko. Naghubad ng t-shirt. Naghilamos at nag-toothbrush. Umupo ako sa harap ng electric fan. Humiga sa kama. Nakaidlip.

3:30 am, nagising ako dahil naramdaman kong umuga ang kama na parang may tumuntong. Nakita ko ang dalawang paa, hinakbangan ako. Bumaba ito ng kama. Sinundan ko ng tingin kung saan papunta. Palabas ng kwarto. Pero di bumukas ang pinto. Umupo ako sa kama. Tumayo. Binuksan ang ilaw. Walang ibang tao. Ako lang ang nasa kwarto. Umandap ang bombilya. Napundi yata. May biglang kumatok.

3:33 am, binuksan ko ang pinto. Isang lalaki ang nakita ko. Naliligo sa pawis. Hinihingal. Di makatayo ng diretso sa sobrang pagod. Kahawig nya si Ramil. Pero alam ko hindi sya yun. Tumingin sya sa akin. At ang sabi nya, "NAUUHAW AKO."

Nagmula ang larawan dito...

"I will color the world one step at a time..."

Saturday, May 30, 2009

TETRAPAK

We sometimes encounter people, even perfect strangers, who begin to interest us at first sight, somehow suddenly, all at once, before a word has been spoken.

-Fydor Dostoevsky

http://breathewithme.files.wordpress.com/2008/06/walking_away_from_everything_by_vampire_zombie.jpg

Nasan na kaya sya ngayon?
Ano na ang itsura nya?
Naalala pa kaya nya ako?

Tag-araw noon, kalagitnaan ng Abril. Umuwi ako ng Pampanga upang magbakasyon.

Lumabas ako ng bahay, umupo sa terrace para magpahangin. Abala ang mga tao sa labas. May bagong lipat sa tapat namin. Una ko syang nakita na nakasuot ng baseball cap, maluwang ang pananamit, at kapansin-pansin ang pagsipsip nya sa straw na nakatusok sa isang tetrapak juice. Habang ang nanay nya ay abala sa pagmando sa mga kargador. Nakatingin ako sa kanya. Tumingin sya sa akin. Nginitian nya ako at inalok ng tetrapak juice na hawak nya. Nagulat ako, nginitian ko rin sya.

Ano kaya ang pangalan nya?

Magmula noon, isa na sya sa mga taong nakikita kong nagdaraan sa tapat namin. Ang terrace, official tambayan ko na. Pero sa dami ng mga tao na nandoon, sya lang ang inaabangan ko. Sya lang ang hinahanap ko. Lilingunin. Susundan ng tingin. Makikipagngitian.

Matangkad sya sa akin ng kaunti. Mapupungay ang mga mata. At harang ang tenga. Para sa akin espesyal sya. Nararapat lang na pagbuhusan ng pansin.

Isang umaga, lumabas sya ng bahay nila. May dalang timba. Kahit alam kong may tangke kami ng tubig, dali-dali akong kumuha ng timba. Excited na nagpunta sa poso. Mahaba ang pila. Sya ang nasa dulo. Wala syang suot na t-shirt. At may sipsip na tetrapak juice. Kinalabit ko sya.

“Uy!”
“Kumusta?”
“Ikaw pala…”

Iyon ang unang usapan namin.

Lumipas pa ang mga araw. Araw-araw na rin ako nakikipila sa poso. Sinasabayan sya sa pag-igib ng tubig. Nakikipagkwentuhan.

Isang umaga, tinanghali ako ng gising. Kahit pupungas-pungas pa, nagmadali akong lumabas ng bahay para abangan sya. Naghintay ako. Di ko sya nakita. Sabi ng kapitbahay, umalis na raw sila. Lumipat na ng ibang tirahan.

Bakit di nya ko hinintay?
Bakit di sya nagpaalam?

Sayang sana maaga ako gumising.
Siguro hinintay nya rin ako.
Sana nakausap ko pa sya.
Sana nakapagpaalam man lang ako.

Ilang tag-araw na rin ang nakalipas.
Paminsan-minsan kahit maraming softdrinks sa tindahan, sa halip na sago’t gulaman. Sinusubukan kong namnamin ang sarap na dulot ng juice sa TETRAPAK.

Nagmula ang larawan dito...

" I will color the world one step at a time..."

Thursday, May 28, 2009

ANG MAGNANAKAW

Adam was but human-this explains it all. He did not want the apple for the apple's sake, he wanted it only because it was forbidden”- Mark Twain





Nakaugalian ko na ang magpunas ng alikabok ng sapatos ko sa may hagdan sa labas ng inuupahan kong apartment. Habang nilalanghap ang bangong dulot ng nilulutong pandesal sa isang malapit na panaderya. Nabili ko ang mga sapatos na ito sa isang lalaking putol ang kanang kamay na may hilang kariton.


Habang namimili ako ng sapatos sa kariton nya, napansin ko ang isang babaeng nakasandal sa dingding. Nakahalukipkip at nakatigtig sa akin. May katabaan sya at may mga namimintog na pimples sa magkabilang pisngi. Ngumiti sya at umiling. Sa tingin ko, hinihintay nya ako. Ang akala ko isa lang sya sa mga taong nakakakilala sa akin at gustong makipag-usap. Kaya nginitian ko rin sya. Ngunit nabigla ako nang tawagin nya akong, “MAGNANAKAW!”

Noong una, hindi ko sya maintindihan, akala ko nagbibiro lamang sya. Dahil nakangiti pa rin sya sa akin. Ngunit nang tingnan ko sya muli, seryoso na sya. Inayos ko ang aking sarili at lumapit sa kanya. Sinabi ko na nagkakamali sya.

“Mister, hindi ako nagkakamali, halika, sumunod ka sa akin.”

Sinundan ko sya sa pagtawid ng kalsada. Papunta sa isang pamilyar na lugar. Naalala ko na, sya ang may-ari ng isang maliit na tindahan sa kanto. Nagpunta ako roon bago bumili ng karne.

May mga taong nagkumpulan sa harap ng tindahan. Mga lima o anim na babae at lalaki. Hinayaan nyang mauna akong pumasok sa tindahan. Tumayo sya sa counter na parang isang hukom. At ang lahat ay nakiisyoso sa likuran ko.

Isa raw sa mga taong nandon ang nakakitang patago akong kumuha ng mga mansanas.

Tumanggi ako.

“Nakita kita!” sabi ng isang babae sa likuran ko. “inilagay mo ang mga yon sa hawak mong plastic bag!”

Tiningnan ko sya. Biglang niyakap nya ang kanyang handbag na parang pinoprotektahan nya mula sa akin.

“Hindi totoo yan!” sabi ko.Nagbulungan ang mga usisero.”Hinawakan ko lang ang mga ‘yon, pero ibinalik ko rin.”

Ipinakita ko ang dala kong mga plastic bag sa magkabilang kamay. “Mayroon akong dalawang kilong mansanas ditto. Pero binili ko ito sa kabilang tindahan.”

Masama ang pagkakatitig ng dalawang lalaki sa akin. Alam ko ang iniisip nila. Nakatayo pa rin ang may-ari ng tindahan sa may counter at naghihintay sa susunod ko pang sasabihin.

Maraming bagay ang nagpaikot-ikot sa utak ko. Pero di ko pa rin alam ang sasabihin. “Maniwala kayo sa akin,” sabi ko.

Umiling sya. Naramdaman kong namula ang mukha ko. Alam ko iniisip nya, sinungaling ako.

Isang pulis ang napadaan sa tindahan at isa sa mga usisero ang tumawag sa kanya. Pumasok ang pulis. Hawak ang pagkakasakbit ng baril sa kanyang baywang. Dumarami na rin ang mga usisero. Kinausap nya ang may-ari ng tindahan. Lumapit sa akin ang pulis. Pinakalma ko ang aking sarili. Mayroon syang pakurbang pilat sa ilalim ng mga mata. Kilala ko sya. Madalas ko syang makita sa kanto na nag-aayos ng trapiko.

“Ginawa mo ba ang inaakusa nila sa’yo?” ,malumanay nyang tanong.

“Hindi po, sir.” Sagot ko, kasunod ng isang malalim na buntong-hininga.

“Sinungaling!” sigaw ng babae na yakap ang handbag.

“Makinig kayo!”, sabi ko. “Pumunta tayo sa kabilang tindahan…Binili ko ‘to…Sasabihin nya sa inyo…Mapapatunayan ko…” Tumugil na ako. Nahihiya akong marinig ang sarili ko na nagpapaliwanag na parang limang-taong gulang na bata, habang tinitingnan ang bawat mukhang naroon. Alam ko wala silang tiwala sa akin. Wala man lang kumurap o ngumiti.

“Halikayo!” sabi ko. Habang kakabakabang lumabas ng tindahan. At ang mga usisero’y parang langaw na nagsisunod.

Sumabay sa akin ang pulis at ang may-ari ng tindahan sa likuran ko. Naririnig ko ang mala-bubuyog na bulungan ng mga usisero.

“Hindi ako makapaniwala”, sabi ng pulis. Umaasang sabihin nya sa akin na huwag mag-alala. Natatakot ako na baka maniwala syang magnanakaw ako.

Ramdam ko ang pag-ihip ng malamig na simoy ng hangin. Tumingala ako sa langit. Pinagmasdan ko ang silahis ng papalubog na araw na gumuguhit sa makulimlim na kalangitan. May isang dosena o higit pa ang nakadungaw sa mga bintana ng mga nagtataasang apartment na nagbubulungan habang kami’y nagdaraan. Yumuko ako, dahil sa kahihiyan. Sumabay sa pag-ihip ng hangin ang mga tuyong dahon sa malamig na sementadong daan.

Muntik na akong madapa dahil sa gulat nang biglang may tumawa ng malakas sa tabi ko. Ang matandang pulubi pala. Madalas ko syang makita na nakaupo sa may bus stop. Nakataas ang paa na nangingintab sa dami ng peklat. Bitbit ang kanyang mga basura.

“Nahuli ka pala nila , Jose? Kung ganon, oras mo na!” sabay tawa ng napakalakas. Hanggang sa lumabas ang maiitim nyang gilagid at natitirang ngipin. Mas malaki sa kalahati, oblong at nakatagilid.

Sa araw-araw naming pagkikita sa bus stop, madalas nya akong bigyan ng dyaryo na iniwan ng mga tao dun. Bilang kapalit, kadalasan din binibigyan ko sya ng kahit na magkanong barya mula sa bulsa ko. Tinatawan nya ang bawat taong makita. Tinatawag ang pangalan at kinakausap. Nalaman ko na wala pala syang kilala na kahit na sino. Tinatawag lang nya ang mga tao sa kahit na anong pangalan na maisip nya.

“Di ko ginawa yun”, sabi ko sa pulubi. Pero tumawa lang sya ng tumawa. Hinawakan ng pulis ang braso ko at hindi na binitawan.

Nakarating na kami sa itinuturo kong tindahan. Makitid lang ang tindahan at may aandap-andap na bombilyang nakasabit sa kisame. Ang matandang babaeng may-ari nito ay nakaupo sa isang bangko at naggagantsilyo. Nakapusod ang mahabang puting buhok at may salamin na nakasabit sa dulo ng kanyang ilong. Tumayo sya at pinagmasdan ang mga taong nagsisiksikang pumasok sa pintuan ng tindahan.

Magkakabukod sa bawat kahon ang paninda nyang prutas. May mangga, ubas, peras, dalawang kahong mansanas at isang kahong ponkan sa may pintuan.

Ang pulis ang nagtanong sa kanya kung talagang bumili ako ng mansanas.

“Naaalala ko pa sya”, kasabay ng pagtango ng matandang tindera.

Kinuha ng pulis ang isang plastic bag ng mansanas na hawak ko. Itinaas nya na parang manok. Tinanong nya ang matanda kung gaano karami ang binili ko.

“Dalawang kilo”, sagot nya. Inilagay ng pulis ang mga mansanas sa latang timbangan. Walang kurap na tumitig ang mga naroon kung saan tuturo ang kamay ng timbangan. Nanginginig itong tumapat sa eksaktong DALAWANG KILO AT DALAWANG GUHIT, pagkatapos ay tumigil dun.

“Hayan ang ebidensiya!” , sigaw ng babaeng yakap pa rin ang handbag. Napansin kong naglulumukso sya sa tuwa. “Siya ay magnanakaw! Nakita ko sya! Ako, ako ang nakakita!”, sigaw nya na nanlalaki ang mga mata na parang kuwago.

“Hindi!”, sigaw ko naman. “Mali yan!”

Tumango ang matandang tindera. “Tama sya. Dalawang kilo ito. May maliit na sira ang timbangan ko. Kaya sumosobra sa timbang. Pero aayusin ko rin ito.”

Bakas sa mukha ng pulis kung maniniwala sya sa matanda. Nag-iisip sya. At hindi pa rin nya binibitawan ang mahigpit na paghawak sa braso ko.

“Sa tingin ko, wala syang kasalanan”, sabi ng pulis, kasabay ng pagbitaw sa namumula kong braso.

Ako’y nagbuntong-hininga habang hinihimas ang nangangalay ko pang braso. Para patunayan wala akong tinatago pang mansanas, ipinakita ko ang laman ng aking bulsa. At ang plastic bag ng isda at karneng binili ko. Iniabot ko ito sa matabang tindera na may-ari ng isa pang tindahan. Tiningnan ng mabuti ang mga laman nito.

Nang wala syang makitang mansanas, nginitian ko sya at itinaas ang kilay, “OK na po?”

“Magnanakaw!”, pagpupumilit na sigaw ng babaeng yakap pa rin ang handbag. Bumubulong-bulong habang nagmamadaling lumabas ng tindahan.

Tumalikod na rin ang pulis at umiiling-iling. Alam ko may duda pa rin sya sa akin. Nag-alisan na rin ang mga usisero. Pinanood ko ang pag-alis nila. Naging maaliwalas na ang kaninang maiinit at masikip na tindahan. Madilim na rin sa labas at nagsimula ng umambon. Naiwan ako at ang matandang tindera sa loob ng tindahan. Umaliwalas na rin ang aking pakiramdam habang pinagmamasdan ang mga ilaw ng mga sasakyang nagdaraan. Isinabit na ng matanda ang CLOSED sign sa pinto ng tindahan. Tumayo sa tabi nito at nakahalukipkip, naghihintay sa paglabas ko. Pero ayoko pang umalis. Nagkibit-balikat na lamang sya , nagbalik sa kanyang upuan at naggantsilyo.

Tumayo ako sa likod nya ng mahigit dalawang minuto, habang pinakikinggan ang paglagitik ng paggagantsilyo nya. Pinagmasdan ko ang kulubot nyang batok. Hinihintay kong lumingon sya, pero di nya ginawa.

Sa paglabas ko ng tindahan, patago akong kumuha ng apat na ponkan sa tabi ng pinto at mabilis na inilagay sa hawak kong plastic bag.


Nagmula ang larawan dito...

"I will color the world one step at a time..."

THE PORTRAIT

The work will wait while you show the child the rainbow, but the rainbow won't wait while you do the work.

http://www.fernandocamorsolo.com/feature/feature02.jpg

Five-year-old Mark watched with interest as his father sketched the portrait of one of his clients. The woman sat very still on the couch while Mark’s father worked swiftly with his pencil to outline her face on the paper in front of him.

But there’s something that Mark couldn’t understand. His father’s sketch did not look like the woman he saw sitting in the couch. Mark only saw lines, crosses, and circles on the clean white paper. It didn’t make any sense to the young boy. Innocently, he asked,

“Dad, how is it that what you’re drawing is not what I see?”

His father smiled and continued working on his pencil. Tired of waiting for an answer, Mark fell asleep beside his father. Hours later, Mark woke up. On the drawing board was his father’s completed picture of a woman. Mark exclaimed excitedly;

“Amazing!”


Nagmula ang larawan dito...


"I will color the world one step at a time..."

AYSKRIM

Lust's passion will be served; it demands, it militates, it tyrannizes. -Marquis De Sade

http://wwwdelivery.superstock.com/WI/223/1415/PreviewComp/SuperStock_1415R-110209.jpg

Di mo ba natatandaan
Mga sandali nating nagdaan
Kapag di ka natitikman
Buhay ko’y napaparam.

Ano bang katangian ang taglay mo
Halos lahat ay baliw sa’yo
Anong kasarapan ang dulot mo
Pag-ibig ba o pagkalito.

Kapag ako’y may ramdam na init
Ako ay iyong pinapalamig
Lahat ay aking nalilimutan
Sa tuwing ika’y natitikman.

Kapag hawak ka’y nag-aalumpihit
Parang yakap ko ang langit
Batid kong masarap ang iyong katulisan
Ngunit mas malinamnam ang iyong kaibabawan

Habang init ay sumisilakbo
Sa pagdila, ako’y walang hinto
Di ko hahayaang may masayang
Hahabulin ko bawat tumulo.

Lahat ay ibibigay sa iyo
Wag mo lang ipagkait ang nais ko
Dulot mo sa akin ay ibayong sarap
Mahal kita, ICE CREAM na paraluman.

Nagmula ang larawan dito...

"I will color the world one step at a time..."


Wednesday, May 27, 2009

TOBLERONE

" If some lives form a perfect circle, other take shape in ways we cannot predict or always understand. Loss has been part of my journey. But it has also shown me what is precious. So has love for which I can only be grateful." - Message in a Bottle (Nicholas Sparks)


Kababata ko si Gallie. Galisin kasi sya noon. Kaya Gallie ang pinangalan naming magkakalaro sa kanya. Umiyak man sya, wala syang magagawa. Kaya pinanindigan na lang nya. Madalas kami maglaro sa mga tuyong palaisdaan at sa mga puno ng sinigwelas. Binigyan namin ng mga pangalan ang mga punong ‘yon. Sina Aida, Lorna at Si Fe, iyong malaking puno ng sampalok si Romnick.

Kasama ko sya nung tinuli ako. Nag-dive sa ilog mula sa tuktok ng bakawan. Humila ng bangka hanggang sa tabsing. Nanghuli ng talangka, alimango, kabyos, hipon at dikya. Naglaro ng lutu-lutuan, bahay-bahayan at aswang-aswangan. Sya ang kasama ko kapag tumatakas sa tanghali dahil pinapatulog ako ni nanay. Nagdikdik na rin kami ng gumamela para gawing bubbles. Nagpalipad ng saranggola. Naniwalang nakakarating sa langit ang lumipad na lobo.Nag-wish. Naligo sa ulan. Nanuod ng buhawi. Nagkarera ng bangkang papel. Nagpalipad ng libo-libong eroplanong papel. Sumisid na rin kami sa baha. Lumangoy sa ilog kasama ng patay na aso, inuuod na manok, tae ng tao at kung ano-ano pang basura. Pinalakpakan namin na parang kalapati ang dumadaang helicopter at eroplano. Umiyak at nag-evacuate nung nanalanta ang bagyong Unsang. Nanilip sa dingding ng kapitbahay kapag nanunuod sila ng bold. Naki-isyoso at tinawanan ang mag-asawang kapitbahay na nagbabatuhan ng kutsilyo. Dinilaan ang mga dahon ng bakawan sa likod bahay dahil nag-aasin ang mga ito. Sa gabi, nagkwentuhan ng mga nakakatakot sa ilalim ng bilog na buwan.nagbilang ng mga bituin. Naghintay ng bulalakaw.Tinitigan ang buwan. Tinitigan din ang araw. Itinago ang kabiyak na tsinelas ng mga kaaway namin para paggising nila ng umaga, iiyak sila. Naglaro ng langit lupa, appear disappear, bending, piko, patintero, mother mother,timpalok at bioman. Nanghuli ng mga alitaptap. At nagsayaw ng Toni Poponi.

Cute si Gallie, masayahin, bungisngis, mapang-asar, makulit, as in makulit talaga, pero sweet. Lagi kami magkasama. Parang yung tula na Ang amo at Asong mataba. Matapang si Gallie, buo ang loob. Minsan nga hinabol kami ng aso. Pero ako lang ang tumakbo. Inupakan nya ang aso.

Isang eskwelahan lang ang pinasukan namin ng elementary at high school. Pero pagdating ng college, sabay rin kami nag-campus hunting. Nagkopyahan sa entrance exam. Pero ako lang ang mag-aaral sa Maynila. Kailangan nya kasi tumigil sa pag-aaral. Nagkaproblema ang pamilya nila. Hindi na nya ako pinansin. Hindi nya ako kinibo. Hindi na sya sumasabay sa akin. Nagalit yata sya. Nagtampo. Sa numang dahilan, hindi ko alam. Matagal kami di nagkita. Mga tatlong taon.

Minsan pag-uwi ko sa probinsya, nakita ko sya. Humaba na ang buhok nya. Pumuti sya. Lumaki ang boobs. Gumanda sya. Nakasabay ko sya nung minsang umigib ako sa poso. Sa wakas, kinausap na nya ako. Malamang nagkamustahan kami. Na-miss ko sya. Ang cute pa rin ng dimples nya.

May boyfriend na pala sya.

At nahilig na sya sa chocolate. Kasi ang sabi nya, minsan daw pasalubungan ko sya ng Toblerone. Kaya magmula noon, bago ako umuwi sa probinsya, dadaan muna ako sa SM para bumili ng Toblerone. Isang araw, wala nang tatanggap sa tsokolateng dala ko. Nakipagtanan na si Gallie.

Maraming araw na ang lumipas sa kalendaryong bold na binigay sa akin ng ahente ng Tanduay. Hindi ko na sya nakita. Balita ko may anak na sya. Babaero ang asawa. Palagi ko sya naaalala. Sana isang araw kumatok si Gallie sa pintuan ng bahay ko. May ngiti sa labi. May dalang balutan, kasama ang anak nya at bibiruin ako.

“Bestfriend, nasaan na ang Toblerone ko?”

Kapag nangyari ‘yun, di ko na ibibigay sa kanya ang Toblerone. Para sa anak na nya iyon.
Nagmula ang larawan dito...
"I will color the world one step at a time."

Tuesday, May 26, 2009

SI BOBOY





First year high school si Boboy noon.

Isang hapon pag-uwi galing eskwela, bumilis ang pintig ng puso nya.

Nanlaki ang mga singkit na mata.

Isang service car ng funeraria ang nasa labas ng bahay nila.

Hindi sya handa kung anuman ang nangyari.

Pagpasok nya sa gate, nakita nya may mga tao sa salas.

Tatlong lalaki.

Dumaan sya sa may kusina.

Nandun ang Nanay nya.

Nakatayo.

Hinihintay ang pagdating nya.

Ayaw nya makita ang ginagawa ng tatlong lalaki sa salas.

Namumugto ang mga mata ng nanay ni Boboy.

Kakaiyak lamang nito.

Tiningnan ni Boboy ang ina.

Wala syang imik, di alam ang sasabihin.

Di sya nagtanong.I

sang hakbang na lang palabas na sya ng kusina.

Makikita na nya ng harapan ang nangyayari sa salas.


“Anak, wala na ang Lola During mo.”


Humakbang si Boboy.

Nakita nya.

Buhat ng tatlong lalaki ang lola nya.

Katatapos lang embalsamuhin.

Binihisan.

At ihihiga na sa puting kabaong.


Nilapitan si Boboy ng nanay nya.

Wala pa ring imik si Boboy.

Niyakap sya nito.

At umiyak.

Ito ang unang pagkakataong may nawala sa pamilya ni Boboy.

Di nya kayang ibalik ang panahon.

Di man lang sya nakapagpaalam.



Lumaki si Boboy, kasama ng Lola nya.

Mestiza si Lola During.

Mahaba ang naka-trintas na itim na buhok.

Isang typical na bahay kubo ang bahay ni Lola.

Walang kuryente.

Pagdating ng hapon.

Bago mag-ala sais.

Kakain na sila ng hapunan.

Sisindihan ang gasera.

Mag-rorosaryo sila ng kanyang Lola.

Patutugtugin ang transistor radio sa saliw ng Abakada, Gabi ng Lagim at ni Negra Bandida.
Nang mag-Grade Four si Boboy, bumalik na sya sa bahay ng nanay at tatay nya.

Ang kanyang Tita Magda ang tumira kasama si Lola During.

Matagal sila di nagkita.


First year high school na si Boboy nang magkita sila muli.

Sa kanila na tumira si Lola During.

Malubha na ang sakit ni lola.

May myoma sya.



Tanging lola lamang nya ang tumawag sa kanya ng BOBOY.

Dahil hindi kayang bigkasin ni Lola During ang tunay nyang pangalan.


Nagmula ang larawan dito...



"I will color the world one step at a time..."

Sunday, May 24, 2009

SIMULA ng Walang Katapusan...





"Heto na, oras na
Para magsimula
Ang sarap magsimula
Kung masarap ang simula.."

---SIMULA by Nina



"Anong dinidrowing mo anak,"

"Unggoy po, Inay."

"Bakit ikaw ang gumagawa?"

"Mukhang ipis po kasi yung ginawa ni Tatay."


Grade Two ako noon nang piliin ako ni Sir Sacdalan
para isali sa isang Poster making Contest..


GUHIT BULILIT ang panagalan ng contest.
Sponsored ng Batiot, Coca-cola at Colgate-Palmolive.

Ang saya-saya ko. First time ever.
Isa na ako sa mga hahangaan sa school.
May ipagmamalaki ako. Makikita nila ang galing ko.

Ibinigay sa akin ni Sir Sacdalan ang application form,
simulan ko na raw ang gagawin kong drowing pag-uwi ko.
Dahil sa isang linggo na ang deadline.

Dalawang araw ko tinapos ang painting.
Ipinasa ko kay Sir Sacdalan...


Nakalipas ang dalawang linggo,
Nakatanggap ako ng isang malaking brown envelop.
Iniabot sa akin ito ni Binibining Purita Silva.
Abot-tenga ang ngiti nya.
Abot-batok naman ang ngiti ko.

Mabigat ang ang envelop, maraming laman.
Naglapitan ang mga kaklase ko.
Ako ang STAR.

Gusto man nilang hawakan ang laman nito,
syempre ako muna.


Laman ng envelop:
Isang Guhit Bulilit T-Shirt
Building carton blocks mula sa Batibot.
Isang Certificate na nagsasaad na ako ang nanalo sa Contest.
Pero walang pera.


Hindi ko naiisip na may monetary reward pala ang sinalihan ko,
Dahil siguro masaya na ako sa laman ng brown envelop.

At ang kasiyahan na malaman kong ako ang nanalo.
pero nasaan na ang pera?
Hanggang ngayon hindi ko alam.
Siguro pinaghatian na ng mga guro ko.
o kaya naging school funds.
o baka ibinigay sa charity.



Nagmula ang larawan dito...







"I will color the world one step at a time..."