Saturday, January 16, 2010

ASPALTO




“The thing I hate the most is to trample on other people’s good will.”



- Light, DEATH NOTE






Nagkakagulo sa lobby ng College of Fine Arts. Napakaraming tao. Nagkukumpulan sila. Sadyang kakaiba, dahil hindi pangkaraniwan na maging usisero ang mga artist. Kasi kadalasan hindi sila lumalabas sa mundo nila. Maaaring may programa. Lumapit ako sa mga nagkakagulong mga tao. Para makiusisa kung anong meron. Narinig kong sabi ng isa sa mga estudyante: "Si Benjie nagpakamatay." Nagulat ako. Natigilan. Kanina lamang ay nasa rooftop ako ng Faculty Center at nagmumuni-muni kung bakit walang gaanong Fiipino artists na nagpapakamatay. At ngayon lang isa sa mga kaklase ko, si Benjie, ay tumalon mula sa top floor ng Palma Hall. At ilan sa mga ngipin nya ay naiwang nakabaon sa aspaltadong daan na binagsakan nya.

"Kilala mo sya, di ba? Magkaibigan kayo?," tanong ng isang magandang babaeng katabi ko. Tawagin natin syang Benetton Girl.


Nanlamig ako. Hindi ko alam ang sasabihin. Tumango ako. "Medyo may kawirduhan nga sya", sagot ko.


Ngayon isang Filipino artist na ang namatay, nagpakamatay. Yun lang hindi sikat si Benjie. At hindi ko nga rin nga masasabing tunay na artist sya. Kasi ang pangit talaga ng mga painting nya. Pasintabi sa namatay. Pero wala rin naman na syang magagawa. Wala talaga syang taste sa art. Gumagamit sya ng masking taped grids at airbrush para sa post-modernist effect ng mga abstract na ginagawa nya. Abstract talaga. Kasi hindi ko talaga maintindihan ang mga gawa nya.


"Nalulungkot ako para sa kanya. Siguro wala lang syang makausap para mapagsabihan ng mga nararamdaman at problema nya." Ang sabi ni Benetton Girl. Siguro nga talagang nalulungkot sya para kay Benjie. Tinitigan ko ang makinis na mukha ni Benetton Girl. Ang ganda ng profile nya. Nararamdaman kong nahuhulog ang puso ko sa kanya. Habang itinatakip ko ang hawak kong sketch pad sa aking harapan.


Pero talagang siraulo itong si Benjie. Kakaiba talaga sya. Tuwing umuulan. Pupunta sya sa Sunken Garden. Suot ang paborito nyang steel-toed boots, manghuhuli sya ng mga palakang nagtatalunan sa damuhan. Malamang takot na takot ang mga palaka sa panggagambalang ginawa sa kanila ni Benjie. Siguro kagaya ko, gusto ring malaman ng mga palaka kung anong itsura ni Benjie pagkatapos nyang mahulog mula sa top floor ng Palma Hall.


Nang mamatay si Benjie, pinapinturahan ng Assistant Dean ang lahat ng pintuan ng lockers. Dahil sinulatan ito ni benjie ng mga tula at death notes. Pinabendisyunan din ang lahat ng lugar na pinupuntahan ni Benjie sa college. Natatakot silang baka multuhin ito ni Benjie.


Nagyaya si Benetton Girl na pumunta kami sa lamay ni Benjie. Kasama ang bestfriend nya, si Diane. Ayoko mang kasama si Diane, pero pagkakataon ko na rin ito na makasama si Benetton Girl lumabas. Saka gusto ko ring makita kung ano ang itsura ni Benjie sa kabaong.


Suot ni Benjie ang barong na sinuot nya noong high school graduation. Marami rin palang ngipin ang natanggal sa kanya. Ordinaryo lang ang pamilya ni Benjie. Civil engineer ang tatay niya na nasa Saudi. Ang nanay nya, math at science teacher sa isang exclusive girls' school. Ang mga kapatid nya, simple lang at hindi kapuna-puna. Ngumingiti lang sila sa mga bisita at nakikiramay. Ang unang pahina pa lamanag ng guest book ang may sulat. Nagpadala ang Assistant Dean ng isang mass card at wala pang nagpupunta kahit isa na galing sa college. Kaming tatlo ay nakatayo sa harapan ng kabaong ni Benjie. Nakatitig lang sa kanya.







"I will color the world one step at a time..."


3 comments:

Maxwell Flux said...

ang galing ng pagkakasulat! grabe, para akong nandun sa story. naiimagine ko tuloy yung ngipin sa sahig, hehe.

Anonymous said...

Hi, as you can see this is my first post here.
In first steps it's really good if someone supports you, so hope to meet friendly and helpful people here. Let me know if I can help you.
Thanks in advance and good luck! :)

www.guadalajara-3d.com said...

To my mind everyone may read it.