"All I really need is love, but a little chocolate now and then doesn't hurt!"
--Lucy Van Pelt in Peanuts by Charles M. Schulz

“Bok, bok, boodle…”
Habang niyuyugyog nya ko mula sa mababaw na pagkakaidlip. May hawak syang isang bar ng Cloud 9. Hati daw kami. Sem break. Yung iba nagsasaya. Kami ni bok, kakatapos lang maglinis ng hallway kanina. Bumalik kami dito para magpahinga.
Lahat ng estudyante rito may talento sa pagtatago ng boodle. Madalas kasi ang surprise inspection ng fleet commander sa bawat quarters. Dapat malinis, walang ebidensya. Nilagay ng iba ang tinimplang Ovaltine sa malaking bote ng Family alcohol. Yung iba itinatago sa ilalim ng mga labada, kasama ng mga nagamit ng briefs at nagpuputik na medyas. Yung iba nakatago sa loob ng sapatos, sa ilalim ng kwelyo, at kung tatanga tanga ka hindi mo kakainin ng sabay sabay ang limang bar ng BigBang. Kagaya ko. Dahil kapag nag-inspeksyon na, mahirap ubusin yun ng isang lunukan lang. Kasalanan ko kung bakit kami naparusahan. Ang parusa, paghahalu-haluin ang tanghalian namin, kasama ng ibang nakumpiskang junk food sa quarters. Boodle fight daw. Pero para sa akin, kaning-baboy yun. Pero kailangang ubusin, kundi magdamagang squats at ‘sandaang weeks ng push-ups.
Ang mga upperclassmen dito may karapatang mang-alila ng mga bagong estudyante. Kasama yun sa mahabang panahon ng initiation. Meron akong iniiwasan na isa sa kanila. Itago na lang natin sya sa pangalang, Mr. Retainer.
Madami na akong narinig tungkol sa kanya. Grabe raw sya mang-alila. Madalas daw sya mang-trip ng mga bago dito. Nariyan na ang ikaw ang magpo-polish ng mga sapatos nya. Magpplantsa ng uniform nya. Pakintabin ang garrison belt at sword nya. Tapusin lahat ng assignments nya. Minsan kailangang hanapan mo sya ng boodle, kundi isusuplong ka nya na nagtatago ka ng pagkain. At biglang may lalabas na lang na ebidensya na gawa-gawa nya. Notorious si Mr. Retainer.
Isang hapon, 1400H, kakatapos ko lang mabuo ang utak ko na nalusaw sa Physics. Nakita ko sya. Nakatayo sa may corridor kasama ng iba pang upperclassmen doon. Nagbubulungan sila at nakatingin sa akin. Dumeretso ako sa pantry. Lumapit ang isang bagong estudyante sa akin na may kakatwang poknat sa ulo. Pinapatawag daw ako ni Mr. Retainer sa barracks nila. POTAH! Sa dinami-dami namin dito, bakit ako pa? Bilisan ko raw dahil ayaw nyang naghihintay. Tumayo ako. Inayos ang pagkaka-tuck in ng T-shirt ko. Binitbit ang mga libro ko. Kumakaba. Pinilit na pakalmahin ang sarili sa unang engkwentro kay Mr. Retainer.
Kumatok ako sa pinto ng barracks nila. Pumasok ako. Mag-isa lang sya. Nakaupo sya sa kama, may hawak na gitara. Pinaupo nya ko sa isang silya na nasa tapat nya. Tinanong nya ako kung marunong ako tumugtog ng gitara. Umiling ako. Kung kumakanta daw ba ako. Umiling ulit ako. Sabi nya kwentuhan ko na lang daw sya. Tungkol sa sarili ko o sa kahit na anong topic na gusto ko. Kwentuhan ko raw sya habang tumutugtog sya. Sa loob ng dalawang oras, nagsasalita lang ako. Ini-strum lang nya ang gitara. Di sya nagsasalita. Mukhang hindi nya ako pinapakinggan. Pero napansin ko, pinipigilan nya mga ngiti nya. Ano kaya ang trip nito? Pagkatapos nun, pinakita nya sa akin ang assignment nya sa Thermo Dynamics. Parang Physics, pero di ko maintindihan. Umiling ako. Ang sabi ko di kayang sagutan yun. Pinaalis na nya ko. Di naman pala sya ganun kalupit. Bagay ang retainer sa kanya. Ang cute nya ngumiti.
Naulit yun kinabukasan, at sa sumunod pang tatlong araw. Linggo nun, naglalakad ako galing ng messhall. Nakita nya ko, ang sabi nya, “Bok, punta ka mamaya?” Tumango ako.
Pagpasok ko sa barracks nila, kumakain sya ng Cloud 9. Inihagis nya sa akin ang isa. “Ang init, bok. Tara swimming tayo.”
Mayamaya lang nasa swimming pool na kami. Walang tao sa gym. Kami lang. Hubo’t hubad. Kahit na alam naming bawal ang hindi suot ang official swimming trunks ng college. Nagtampisaw kami na parang mga bata.
Nagmula ang larawan dito...
"I will color the world one step at a time..."



