Sunday, March 28, 2010

MANG MANDO



"Kung hindi mo susubukan, Kelan? Baka kapag handa ka na bukas, ang bukas naman ang hindi handa sa iyo."

- Mang Mando







Iyan si Mang Mando, Lagi syang nandito. Katulad ko. Ako, habang lumalangoy at sumasabay sa agos ng tubig. Sya naman umuusad na parang hanging sabik. Di ko maintindihan ang mga sinasabi nya. Pero minsan ramdam ko kung ano ba talaga ang gusto nya. Para syang isang makata na wala namang natatapos na tula. Tatawa. Titigil. Tatawa uli. Para syang alon. Paiba-iba ang sumpong.



Naiintindihan nya kaya ang mga sinasabi nya? Ang nakapagtataka, parang di sya tumatanda. Ano kaya ang sikreto nya? Ano kaya ang iniinom nya?


Di ko alam kung ano ba talaga ang binabantayan ni Mang Mando sa tabing dagat. At kung minsan may mga kinikilos sya na hindi mo talaga maintindihan. Parang may mundo sya na tanging sya lang ang nakakaalam. Dito kaya sa dagat galing ang kanyang sikreto na parang di sya tumatanda? May kaibigan kaya syang syokoy at sirena? Ang daming drama ni Mang Mando. Ang dami nyang seremonyas. Dapat siguro sila ni Milagring ang magsama. Pareho yata silang gustong maging artista.


Pero isang araw, nagbago ang lahat. Di ko alam kung ano yung nakita ko. Pero ang sigurado, may kakaibang naramdaman ako. Di ko alam kung ano. Pero...





transcribed from the film BINYAG by MICO S. JACINTO













"I will color the world one step at a time..."






Friday, March 26, 2010

SI MILAGRING




"Ako si Milagring. Gusto mo ng saging?"








Nagpakilala na ang tanging babaeng nakausap ko na higit sa isang oras. Alam ko ang binabalak nya. Pero alam ko ring wala syang mapapala.


Tinuruan nya akong magsulat. Bumasa. Dami-dami nyang kwento. Minsan naman di ako interesado. Pati nga buong buhay nya, naikuwento na nya. Ang pag-aaway ng nanay at tatay nya. Ang pagkakahuli nya sa nanay at tatay nya na nag-aaway sa kama. Ang pagkakaiba ng saging at kung anong sustansya ang nakukuha sa kamote. Mahilig din sya sa mga hula.


May hula daw kasi sa kanya na may isang lalaking nasa dagat ang mapapangasawa nya. Dami nyang kwento talaga. Ang pangangati ng dibdib nya. Ang hilig nya sa mga artista. Lagi nya akong pinagmamasdan. Binabantayan. Parang wala nang ibang lalaking pwede nyang samahan. Umasa syang masusuklian ko lahat ng kabutihan nya. Pakiramdam ko nga, bata palang kami ni Milagring, may kalandian na sya. Parang ayaw nyang humiwalay sa akin. Kuna nasaan ako, asahan mo di magtatagal nakabuntot na sya agad. Minsan nga naisip ko, itulak ko kaya sya sa dagat.







Laging ganito ang takbo ng buhay ko. Tulog. Gising. maligo sa dagat. Konting laro kasama si Milagring. Parang walang bukas. Sige nang sige.



Ang bilis tumakbo ng araw. Ang bilis ng balik ng alon sa dalampasigan matapos nyang sumalpok sa batuhan. Maraming nangyari. Marami ring di dapat mangyari. Patuloy akong lumalangoy sa agos ng buhay. Ah basta. Bahala na. Pero agos naman talaga ang buhay. Minsan ang kailangan mo lang namang gawin ay sumabay.


Parang si Milagring. Ayaw pa rin akong tigilan. Lagi pa ring nandyan at nag-aalok ng kanyang kamote at saging. Walang pagsasawa. Waring di nakakahalata. O talagang ayaw lang nyang magpahalata. Minsan nagmumukha nang kawawa.



Kahit makulit alam mo kung ano ang habol nya. Alam mo ang nasa isip nya. Naghahangad sya ng isang bagay na wala sa akin. Na di ko naman kayang ibigay sa kanya. Hayun, umaasa na naman sya. Pero kilala ko na yan . Di ako kayang tiisin nyan. Gagawin ang lahat mapansin lang. Tumbling sya nang tumbling. Giling nang giling. Alam kong naiinis na sya pero tuloy pa rin. Kulang na lang siguro, pagtangkain nya akong gahasain. Walang kapaguran, parang may inaasahan. Habang lagi syang nakatingin sa akin, sa iba naman nakapako ang aking tingin.



Kahit naman di sigurado si Milagring sa paborito nyang manghuhula,


Walang kasawa-sawa. Ayaw sumuko.


Lalong lumalabo ang tyansa nya.


Lalo ngayon na nakilala ko na sya....





transcribed from the film BINYAG by MICO S. JACINTO













"I will color the world one step at a time..."







Tuesday, March 23, 2010

SI LEO



"Dito ko naranasan ang langit.
Di ko lang alam kung kaya ko pang ulitin."

-Mang Mando







Ako si Leo, dito ako isinilang sa San Joaquin. Basta dito rin nakatira ang mga magulang ko na di ko naman nakita kahit anino. Dito raw sila lumaki pero wala namang naiwan kahit na isang kamag-anak nila. Wala ring naiwang litrato. Na pwede kong makita at masabi kung sino ba ang kamukha ko.


Dito tahimik, Walang gulo. Parang kuntento na ang lahat ng tao. Walang masyadong nangyayari. Saksi ang San Joaquin sa mga kwentong naganap sa akin. Di ko alam kung may mapupulot kayo. May maganda. May di masyadong maganda. Pero sa pupuntahan ko ngayon, walang pagdududa. Maganda talaga.


Ito ang paraiso ko. ito ang mundo ko. Tahimik. Walang istorbo. Halos laging walang tao. Tumatakbo ang oras nang di mo alam kung nakakailan nang minuto. Maganda ang alon. Minsan malakas. Minsan hindi. Malinaw ang tubig. Di katulad ng mga nangyayari sa akin. Pero sa lugar na ito, nangyari ang mga bagay na hindi ko alam kung dapat ngang mangyari. Basta ang alam ko. Ang sigurado ako. Nung bata ako, dito ang langit ko.


Gaya ng sinabi ko, wala akong kamag-anak sa probinsyang ito. Siguro mabait lang sa akin ang Diyos. Dahil nanatiling buhay ako kahit walang nag-aasikaso. Di nakapag-aral. Pero di naman ako bobo. Marunong sumulat. Marunong bumasa. Hindi alam kung paano natatapos ang bawat araw na dumaraan. Basta pag nandito ako, ayos na.


May ilang tumutulong na hindi ko naman kakilala. Di mo alam kung bakit ginagawa nila yun. Pero mararamdaman mo kung ano ba talaga ang habol nila.


Pero isang araw, nagbago ang lahat. Di ko alam kung ano yung nakita ko. Pero ang sigurado, may kakaibang naramdamn ako. Di ko alam kung ano. Pero...


Ang bilis tumakbo ng araw. Ang bilis ng balik ng alon sa dalampasigan matapos nyang sumalpok sa batuhan. Maraming nangyari. Marami ring di dapat mangyari. Patuloy akong lumalangoy sa agos ng buhay. Ah basta. Bahala na. Pero agos naman talaga ang buhay. Minsan ang kailangan mo lang namang gawin ay sumabay.




transcribed from the film BINYAG by MICO S. JACINTO






"I will color the world one step at a time..."