Bago magbukang liwayway sa isang mahamog at makulimlim na umaga, mahimbing na natutulog si Samuel sa mga bisig ni Selya. Lumabas ng musileyo si Pepe, hinanap ang isang malaking bahay na pinakamalapit sa sementeryo. Pumasok sya. Natagpuan ang tatlong walang buhay na katawan. Naliligo sa sariling dugo. Pinag-aralan nya ang mga sugat. Umiling sya. Lumabas sya mula sa malaking bahay. Bumalik sa libingan at nahimbing.



Sa di kalayuan, pinagmamasdan ni Jack ang pagtitipon ng mga itim na ulap. Gumuguhit sa mukha nito ang galit Ang nagdaang gabi ay isa sa mga bagay na hindi nya inaasahan. Isang gabing pinanabikan nya. Hinintay nya ng ilang buwan. Pinagplanuhan. Nagawa nyang kumitil ng tatlong buhay upang walang maging hadlang sa kanyang hangarin. Hanggang sa magbago ang lahat. Hindi sumunod ang mga pangyayari ayon sa kanyang plano.



Sumapit ang umaga. Nawala sa lamig ng hamog ang amoy ng bata. Hindi na nya masundan kung nasaan ito. Maaaring may kumupkop sa bata at itinago ito. Iyon lamang ang tanging naiisip nya.



Gumulong ang malakas na kulog sa kalangitan kasunod ng isang matalim na kidlat. At bumuhos ang rumaragasang ulan. Nag-iisip si Jack. Kailangan nyang gumawa ng bagong plano.



Umiiyak ang langit. Marahil sa kaganapan nang nagdaang gabi. Maaari ring sa hangarin nyang hindi natupad. Sinabi nya sa kanyang sarili na hindi na sya muling magkakamali. Hindi sa mga darating na panahon. Marami pang oras. Mahahanap din nya ang bata at maisasakatuparan ang naudlot na gawain.



Sa ilalaim ng malakas na ulan, narinig ni Jack ang sirena ng pulis at sumunod ang ambulansya. Dumaan sa harap nya ang paikot-ikot na pula at asul na ilaw. Inayos nya ang kwelyo ng suot nyang jacket. Yumuko sya. Mahina na ang buhos ng ulan. Lumakad sya sa matamlay na patak ng ambon. Nakatago sa loob ng kanyang jacket ang kutsilyo. Mahinahon sa pagluluksa ng malungkot na umaga.