Showing posts with label baby life. Show all posts
Showing posts with label baby life. Show all posts

Saturday, August 29, 2009

ANG BISITA



“My evening visitors, if they cannot see the clock, should find the time in my face.”


-Ralph Waldo Emerson









Mahamog nang gabing iyon.Malamlam ang sinag ng buwan. Maaninag ang ilang bahagi ng matamlay na libingan.



Makikita ang lumang musileyo. Ang kinakalawang na tarangkahan ay nakakandado. Nababalutan ito ng kalawang at mga gumagapang na damo. At isang malaking puno ng akasya sa tabi nito.


Makikita ang mga nakahelerang puting nitso sa paligid at mga nakapilang puting krus na nakatayo sa damuhan. May mga dagang nagtatakbuhan sa tabi-tabi. Mas malinaw ang lahat ng ito kung kabilugan ng buwan.



Sa ganitong oras ng gabi, makikita ang isang maputlang babae. Umiindayog sa ihip ng malamig na hangin ang kanyang mahabang itim na buhok. Nakaupo sya sa isang puntod. Nakayuko. Pagdaka'y tatayo. Kung kumilos sya'y parang nagsasayaw. Hindi mo kaagad mapapansin na naroon sya at nakaupo. Sa unang tingin, para lamang syang hamog, liwanag o anino. Pero naroon sya. Minsa'y naglalakad papasok sa nakandadong tarangkahan.


"Pepe!" sigaw ng babae. Ang boses nya'y parang hangin na lumalasgaslas sa talahiban.
"Pepe, Halika rito!"


Yumuko ang babae, tumingin sa lupa. Isang anino ang gumalaw sa ilalim ng sinag ng buwan. Isang matangkad na lalaki. Tiningnan nya ang asawa. Pagkatapos ay tiningnan ang nasa lupa. At nagkamot siya ng ulo.



"Selya, aking irog", kung magsalita si Pepe ay parang isang makata. "Tama ba ang tinuturan ng aking paningin?"



Nakatuon ang mata ng mag-asawa sa isang batang nakaupo sa lupa.Tiningala sila nito. Napanganga ang bata. At bumagsak ang pacifier na kanina pa nya kinakagat. Itinaas nya nag mabibilog at mumunting mga kamay. Nais nyang magpakarga kay Selya.


"Sampalin mo ako", ang sabi ni Pepe. "Kung hindi bata ang aking nakikita."


"Malamang bata ito", sagot ni Selya. "Ang tanong, anong ginagawa nya rito?"


"Tama, iyon ang katanungan irog ko. Ngunit hindi manggagaling sa atin ang kasagutan. Dahil ang mumunting batang ito ay buhay. Wala syang kinalaman sa atin. Hindi sya bahagi ng ating mundo, irog ko ", sagot ni Pepe.



"Pepe, tingnan mo ang mga kamay nya. Ang liliit. Ngumingiti sya , Pepe. Nakakatuwa sya." Hinimas ni Selya ang ulo ng maliit na bata. Tumawa ang batang si Samuel.



Umihip ang malamig na hangin sa gitna ng natutulog na sementeryo. Lumikha ng ingay ang mga kawayan sa di kalayuan. May kung anuman ang biglang nagwawala sa may tarangkahan. Inaalog ito. Kinakalampag. Humahampas ang kadenang nakapalupot dito at ang mabigat na padlock. Parang isang hayop na gustong kumawala.



Binuhat ni Selya ang maliit na bata at niyakap ito. Hanggang ngayon kahit mahigit isandaang taon nang sumakbilang buhay sina Pepe at Selya, nanginginig pa rin sa takot si Pepe kapag nakakaita siya ng multo. Kahit araw-araw na silang nakikisalamuha sa kapwa patay. Araw-gabi sa sementeryo.



Mula sa tarangkahan, nakakita sila ng tatlong hugis na parang usok. Kulay abo. Parang telebisyon na walang signal. Noon lang sila nakakita ang ganoon. Hindi nila kauri.Dalawang malaki, at isang maliit. Ang isa sa malalaking usok ang nagningibabaw. Sumisigaw sya sa napakahinang tinig.



"Ingatan nyo ang baby ko! Alagaan nyo sya! Papatayin nya si Samuel!" , ang sigaw ng maliit na tinig.






"From now on I will only write about death..."




Saturday, August 22, 2009

TAKAS









Magmula nang matutong maglakad si Samuel, nakita nya kung gaano kalawak ang mundo. Nalaman nya kung gaano karami ang kaya nyang gawin. Natutunan nya ang paggamit ng kamay at paa sa pag-akyat at pagbaba sa kahit na anong bagay.

Nang gabing iyon, nagising sya mula sa isang malalim na pagkakahimbing. Ginising sya ng isang malakas na kalabog mula sa labas ng kanyang kwarto. Nagising sya at hindi na sya makatulog. Gusto nyang maglaro at lumabas mula sa kanyang kuna. Mataas ang bakod ng kanyang kuna. Ngunit alam nyang kaya nyang makaalis doon. Kailangan lamang nyang gamitin ang kanyang mga kamay at paa.

Dalawang teddy bear ang nasa loob ng kuna. Ang isa, katabi nyang matulog. Ang isa ay nakaupo sa isang sulok ng kuna. Kinagat niya ang pacifier. Tumayo sya. Hinawakan ng maliliit nyang mga kamay ang bakod ng kuna. Inapakan ng kaliwang paa ang hita ng teddy bear. Inangat ang kanang paa at inapakan ang ulo ng teddy bear. Binuhat ang sariling katawan hanggang sa nakaapak na ang dalawang paa nya sa ulo ng teddy bear. Bumitin sya palabas ng kuna at bumagsak sa mga stuffed toys na nasa sahig. Mga stuffed toys na ineregalo sa kanya noong unang taong kaarawan nya. Ang iba ay stuffed toys ng nakatatanda nyang kapatid.

Nagulat sya nang bumagsak sya sa sahig. Masakit pala. Pero pinigilan nyang umiyak. Kasi alam nyang kapag umiyak sya, pupuntahan sya sa kwarto at ibabalik sya sa kuna.

Gumapang sya papunta sa pinto ng kwarto. Palabas.

Magmula nang matuto syang maglakad, nalaman nyang mahirap umakyat ng hagdan. Ngunit mas madaling bumaba ng hagdan. Siple lang. Bumaba sya ng paupo. Nagpatalbog-talbog sa suot nyang diaper. Habang kagat-kagat pa rin ang pacifier. Iyon ang pabortito nya. Kahit ilang beses nang sinabi ng Mama nya na malaki na sya para sa pacifier.

Napakasaya nya. Pakiramdam nya sa kanya ang mundo. Masaya sya dahil nagawa nyang bumaba ng hagdan. Masaya sya dahil walang nakakita sa kanya. Masaya sya dahil walang pumigil sa kanya.

Nang marating nya ang huling bahagdan ng hagdan, halos magtatakbo sya nang makitang bukas ang pintuan palabas ng garahe. Nakita nya ang mga bisikleta ng Dadi at Ate nya. Ang sabi nya sa kanyang sarili, "Balang araw makakapag-bisikleta rin ako." Natanggal sa pagkakadikit ang suot nyang diaper. Nahulog ito sa kanyang paanan.

Nakita niyang bukas ang gate. Pakiramdam nya ay nag-iimbita ito. Pagkakataon nyang makita ang buong mundo. Nagpatuloy siya sa paghakbang hanggang sa makalabas sya sa daan. Nakangiti syang tinitimbang ang sarili sa bawat hakbang. Sa ilalim ng buwan at aandap-andap na ilaw ng poste.




"I will color the world one step at a time..."