--Thich Nhat Hanh

Kinapa nya ang kanang bulsa ng kupas na pantalon. Mula roon dinukot nya ang isang puting panyo. Idinampi nya iyon sa noo, sa leeg, sa malalaki nyang bisig. Katanghaliang tapat. Punong-puno ang kapiterya sa dami ng estudyanteng nananghalian. Parang palengke sa ingay. May pakumpas-kumpas.May nagmamayabang doon. May nagbibiruan. May nagtatawanan.May mga abalang-abala sa pagkain. May nakasubsob sa PSP. Tuluyan nang nalunod ang musikang nanggagaling sa mga speakers sa dingding.
Pagod na pagod sya. Umupo sya sa mga case ng Coke at Sprite. Kapag ganitong gusto nyang mamahinga ng kaunti, ang sulok na ito ang kumakalinga sa pagod nyang katawan. Sa pagkakasandal nya sa mga case, isang estudyante ang lumapit sa kanya at inalok ng yosi.
"Relax lang, dude."
Isang ngiti lang ang isinagot nya. Pagkatapos ay kinuha nya ang tray at basahan. Lumapit sya sa isang mesang puno ng pinagkainang plato, mga baso at mga kutsara't tinidor. Masiglang pinagpatong-patong nya ang mga ito sa isang kahanga-hangang paraan. Maliksing pinunasan ang ibabaw ng mesa at parang isang sirkerong binabalanse sa isang kamay ang mabigat at punung-punong tray. Kitang-kita ang pumuputok nyang mga bisig sa kanyang mga manggas. Sumisipol syang bumalik sa pinanggalingan.
Maingat nyang kinuha ang isang libro na nakaipit sa pagitan ng mga case ng softdrinks. Unti-unting nabawasan ang ingay habang papalakas naman ang musikang nanggagaling sa mga speakers. Break time nya. Sa halip na kumain kaagad, hawak nya ang libro at naupong muli sa mga case."Pride and Prejudice" ni Jane Austen. Naiwan ito ng isang estudyante sa kapiterya noong isang linggo. Hindi na binalikan at hinanap. Kaya sya na lang ang nagtago. Sinusubukan nyang basahin kahit na karamihan sa mga salitang nakasulat doon ay hindi nya mabigkas at maintindihan.
Isinara nya ang libro at itinukod sa kanyang baba. Maganda ang pagkakahubog ng jawline nya. Labis syang humahanga sa mga estudyante. Ang gagaling mag-English ng mga ito. Samantalang sya, English na pang-elementarya lang, hirap na hirap na sya. Ganunpaman, patuloy nyang sinasabi sa kanyang sarili;
"ISANG NGITI LANG JASPER, MAGANDA ANG BUHAY."
Nagmula ang larawan dito...
"I will color the world one step at a time..."

