"I dreamed I was a butterfly, flitting around in the sky; then I awoke. Now I wonder: Am I a man who dreamt of being a butterfly, or am I a butterfly dreaming that I am a man?"
- Chuang Tzu
Noong tag-araw, bago magsimula ang freshman schoolyear. Isinama si Jojo ng dean sa isa sa mga Santacruzan ng mga bakla sa Malabon. Ang dean ang nagbigay ng private scholarship kay Jojo.
Kasama ang isa pang paboritong scholar ng dean, si Daniel Lim. Si Daniel ay malaki ang katawan, tisoy at bigotilyo. Kung tatawagin mo sya, bago sya lumingon, mag-f-flex muna sya ng kanang bicep nya. Kamukha nya ang Super Mario Brother. Halos mawala ang mga singkit nyang mga mata sa tuwing ngingiti ito. Isa rin syang print ad model at sumubok magpinta na gaya ni Malang. Madaldal sya. Makuwento. Malapit na raw sya magkaroon ng billboard sa EDSA. Ilang beses nya ring binanggit ang isang bago at sikat na couturier na may gusto sa kanya. Ilang beses na rin daw sila nag-date. Ngunit nagtataengang-kawali lang si Jojo. Hindi sya interesado. Mas ginusto nyang panoorin ang prusisyon ng mga bakla kesa sa kwento ng kasamang modelo.
Magkatabi sina Jojo at ang dean. Pinagmasdan ni Jojo ang mukha ng dean. Nakita nya kung gaano kakapal ang makeup foundation na nasa mukha nito. Na naiilawan ng iba't ibang kulay ng incandescent bulbs na nakasabit sa gilid ng daan. Napansin nya, sa pagkislap ng mga ilaw, aninag pa rin sa ilalaim ng makapal na foundation makeup nag mga kulubot sa mukha ng dean.
Patagong sinasagi ng kamay dean ang harapan ni Jojo. Paminsan-minsan, hinihimas nya ito. Sa maikling panahon, naging eksperto na si Jojo sa ganitong mga bagay. Medyo tutuksuhin ni Jojo ang dean. Liliyad pa sya ng kaunti habang nakadampi ang kamay ng dean sa harapan ng kanyang pantalon. Pagkatapos, marahan syang lalayo. Hanggang ganoon pa lang naman ang ginagawa ng dean sa kanya. May paninindigan din naman si Jojo. Meron syang pinaniniwalaan. Hindi sya makikipagtalik sa kapwa lalaki. Kahit na sa pagkakataong iyon ineenjoy na lamang nya ang ginagawa ng dean. Dahil kung hindi, mababagot sya.
Pinilit nyang maaliw sya sa mga kumikinang na mga reyna na may nagtataasang mga kilay at tatlong kulay ng buhok. Mahinhing naglalakad sa mga ulap na dilaw, berde at rosas, organza at ruffles o kaya’y makintab na itim na satin. Sa tingin ni Jojo, napaka-tipikal, mala-probinsya. Kapareho ng mga sinusuot ng mga kababaihan sa isang kotilyon noon sa kanila. Ito ang unang beses na namasyal sya sa Malabon. Pero parang nasa probinsya pa rin sya.
"I will color the world one step at a time..."