Wednesday, January 20, 2010

ANG ARTIST



"When I got tired, I slept. When I got hungry, I ate. When I had to go, you know, I went. "

-Forrest Gump






Pinangarap ni Jojo na maging isang pintor. Bukod sa palagay nyang hindi sya gaanong matalino upang umabot sa mga quota ng matataas na kurso sa UPCAT. Sumubok sya sa Fine Arts. Sa talent test, pinag-drowing sya ng isang anyo ng tao gamit ang charcoal. Isang detalye mula sa Spoliarium ni Luna ang iginuhit nya. Napansin nyang nakatingin sa kanya ang dean habang gumuguhit sya. Ibinuka pa ni Jojo ang mga hita nya. Kumambyo. Tiningnan nya ang dean at ngumiti. Nakita nya kung paano bumilog ang bibig ng dean na parang titik “o”. Parang nagulat na isang batang babae. Pumasa sa talent test ng Fine Arts si Jojo. Inalok si Jojo ng dean ng isang private scholarship. Tinanggap ito ni Jojo. Sa mga panahong iyon, inosente pa si Jojo. Ang mga tanging kilala nyang bakla sa Baguio ay mga parlorista at ang Boy Scout Master. Hindi nya inaasahang makakakilala sya ng isang taong may mataas na posisyon.

Ang babaeng crush ni Jojo, ay kumukuha rin ng Art Theory class. Maagang pumapasok sa klase si Jojo para makapili sya ng upuan malapit sa gilid nya para makita ni Jojo ang profile nito. Madalas ipatong ni Jojo ang sketchpad at jacket sa harapan nya. Dahil makita lamang nya ang makikinis na braso ng babae, tinitigasan na sya. Makati Girl ang ipinalayaw ni Jojo sa kanya. Hindi nakatira sa Makati ang babae. Pananaw kasi ni Jojo, sosyal at magaganda ang mga babaeng galing Makati. Parang taga-Makati kasi kumilos si Makati Girl.


Nakakatawa, dahil ang kaibigan nyang si Diane Mendoza na nanalo ng Miss Photogenic sa isang beauty contest ay nag-aakalang sya ang gusto ni Jojo. Naniniwala syang ang lahat ng kalalakihan, straight at ilang bakla, ay nagkakagusto sa kanya. Madalas nyang ikuwento na mas marami pa ang mga katulong nila kesa sa bilang ng kanilang pamilya.


"You know, It's so different sa house namin. We have three cooks. Gourmets kasi ang mom and dad ko. Then meron kaming orchid gardener. We have a separate gardener para sa mga ornamental plants namin." Ito ang madalas nyang ikuwento. Parang isang nakakairitang kanta sa videoke. Bawat kataga, humihinto sya sandali. Naghihintay ng reaksiyon mula sa mga kausap nya. Alam nya kasing karamihan sa mga kausap nya ay walang mga maid sa bahay. Hindi rin nya inililihim ang pagnanasa nya kay Jojo.


Habang si Makati Girl ay masarap kausap. Kahit minsan hindi sya narinig ni Jojo na sinisimulan ang bawat pangngusap ng SHIT! Di gaya ng iba na binibigkas pa ito ng SHET! At hindi nya linalagyan ng stress ang FUCK kapag nagkukuwento sya. Di gaya ng iba na halos ipagsigawan ang salitang FUCK para sabihing cool sila. Makikitawa lamang si Makati Girl sa mga kwento at jokes ng iba. Habang pinandidirihan naman ito ng ibang kolehiyala. Hindi rin sya sobrang pormal. Lalong hindi sya sobrang seryoso.
Minsan sa Figure Drawing class, pinagdrowing sila ng life-size nude self-portrait, sya lamang ang tanging gumawa ng full frontal nudity. Kahit ang mga lalaki sa klase ay hindi nagawa. Habang ang iba ay tinakpan ng kamay o itinago sa binaluktot na binti ang kanilang harapan. May kakaibang naramdaman si Jojo habang pinagmamasdan nya kung paano nakita ni Makati Girl ang kanyang sarili. Idinirowing rin nya na mas maliit ang kanyang isang dibdib kesa sa isa. At ang kanyang lotus labia ng kanyang malambot na pudenda ay gumuguhit sa manipis nyang pubic hair.


May nanliligaw kay Makati Girl na isang coño. Nanggagaling pa itong De La Salle sakay ng Hummer ng daddy nya. Para ikuwento lamang mga nadaanan nyang traffic at kung gaano kaginhawa ang buhay nila. Naiinis si Jojo kapag nakikita nyang magkasama ang dalawa. Nakaupo si Makati Girl sa pinakamataas na bahagdan ng hagdan sa tapat ng library. Napapaligiran sya ng mga kawayan, santan at bagong usbong na gumamela. Parang isang birhen sa grotto. Habang ang coño ay nakatayo sa mas mababang bahagdan. Nakatingala sya. Ikinikuwento nya kung gaano sya kasaya. Mukha syang tanga. Habang tahimik na nakatingin sa kanya si Makati Girl. Cute sya ngumiti. Napakaganda nya. Maputi sya. Makinis ang kutis nya. Wala syang make-up. Medyo sigurado si Jojo na virgin pa si Makati Girl. Pero nasasaktan sya kapag naiisip nya ang bagay na iyon.





Taena.KungGustoMoNgSimplengLovelife,WagKaPipiliNgArtist!Ulol!
"I will color the world one step at a time..."









Saturday, January 16, 2010

ASPALTO




“The thing I hate the most is to trample on other people’s good will.”



- Light, DEATH NOTE






Nagkakagulo sa lobby ng College of Fine Arts. Napakaraming tao. Nagkukumpulan sila. Sadyang kakaiba, dahil hindi pangkaraniwan na maging usisero ang mga artist. Kasi kadalasan hindi sila lumalabas sa mundo nila. Maaaring may programa. Lumapit ako sa mga nagkakagulong mga tao. Para makiusisa kung anong meron. Narinig kong sabi ng isa sa mga estudyante: "Si Benjie nagpakamatay." Nagulat ako. Natigilan. Kanina lamang ay nasa rooftop ako ng Faculty Center at nagmumuni-muni kung bakit walang gaanong Fiipino artists na nagpapakamatay. At ngayon lang isa sa mga kaklase ko, si Benjie, ay tumalon mula sa top floor ng Palma Hall. At ilan sa mga ngipin nya ay naiwang nakabaon sa aspaltadong daan na binagsakan nya.

"Kilala mo sya, di ba? Magkaibigan kayo?," tanong ng isang magandang babaeng katabi ko. Tawagin natin syang Benetton Girl.


Nanlamig ako. Hindi ko alam ang sasabihin. Tumango ako. "Medyo may kawirduhan nga sya", sagot ko.


Ngayon isang Filipino artist na ang namatay, nagpakamatay. Yun lang hindi sikat si Benjie. At hindi ko nga rin nga masasabing tunay na artist sya. Kasi ang pangit talaga ng mga painting nya. Pasintabi sa namatay. Pero wala rin naman na syang magagawa. Wala talaga syang taste sa art. Gumagamit sya ng masking taped grids at airbrush para sa post-modernist effect ng mga abstract na ginagawa nya. Abstract talaga. Kasi hindi ko talaga maintindihan ang mga gawa nya.


"Nalulungkot ako para sa kanya. Siguro wala lang syang makausap para mapagsabihan ng mga nararamdaman at problema nya." Ang sabi ni Benetton Girl. Siguro nga talagang nalulungkot sya para kay Benjie. Tinitigan ko ang makinis na mukha ni Benetton Girl. Ang ganda ng profile nya. Nararamdaman kong nahuhulog ang puso ko sa kanya. Habang itinatakip ko ang hawak kong sketch pad sa aking harapan.


Pero talagang siraulo itong si Benjie. Kakaiba talaga sya. Tuwing umuulan. Pupunta sya sa Sunken Garden. Suot ang paborito nyang steel-toed boots, manghuhuli sya ng mga palakang nagtatalunan sa damuhan. Malamang takot na takot ang mga palaka sa panggagambalang ginawa sa kanila ni Benjie. Siguro kagaya ko, gusto ring malaman ng mga palaka kung anong itsura ni Benjie pagkatapos nyang mahulog mula sa top floor ng Palma Hall.


Nang mamatay si Benjie, pinapinturahan ng Assistant Dean ang lahat ng pintuan ng lockers. Dahil sinulatan ito ni benjie ng mga tula at death notes. Pinabendisyunan din ang lahat ng lugar na pinupuntahan ni Benjie sa college. Natatakot silang baka multuhin ito ni Benjie.


Nagyaya si Benetton Girl na pumunta kami sa lamay ni Benjie. Kasama ang bestfriend nya, si Diane. Ayoko mang kasama si Diane, pero pagkakataon ko na rin ito na makasama si Benetton Girl lumabas. Saka gusto ko ring makita kung ano ang itsura ni Benjie sa kabaong.


Suot ni Benjie ang barong na sinuot nya noong high school graduation. Marami rin palang ngipin ang natanggal sa kanya. Ordinaryo lang ang pamilya ni Benjie. Civil engineer ang tatay niya na nasa Saudi. Ang nanay nya, math at science teacher sa isang exclusive girls' school. Ang mga kapatid nya, simple lang at hindi kapuna-puna. Ngumingiti lang sila sa mga bisita at nakikiramay. Ang unang pahina pa lamanag ng guest book ang may sulat. Nagpadala ang Assistant Dean ng isang mass card at wala pang nagpupunta kahit isa na galing sa college. Kaming tatlo ay nakatayo sa harapan ng kabaong ni Benjie. Nakatitig lang sa kanya.







"I will color the world one step at a time..."


Thursday, January 7, 2010

ANG LALAKI




"If I do dream, would all my wealth would wake me!
If I do wake, some planet strike me down, that I may slumber in eternal sleep!"

- William Shakespeare








Hindi ako matatakutin. Yung mga Korean at Japanese horror movies, sisiw lang sa akin. Kaya kong mag-horror movie marathon ng mag-isa sa hatinggabi.


Isang pelikula lang ang natatandaan kong natakot ako. Pinanuod ko ang 30 Days of Night. Pag-uwi ko ng bahay mula sinehan, pakiramdam ko mangyayari sa totoong buhay. Nanatili sa isip ko ang ideya na anumang sandali darating ang mga bampira. At uubusin tayong lahat. Hindi ako makatulog ng gabing iyon. Hindi ko na ulit pinanuod ang pelikula.


Natatakot din pala ako.


Hanggang sa malaman ko ang tungkol sa pelikulang PARANORMAL ACTIVITY. Napanuod ko ang trailer. Nagugulat ang mga nanunuod. Napangiti ako. Interesante. Isang istorya na sa tingin ko pamilyar sa akin. First day of showing at initial screening sa Gateway Cinema, nandun na ako. Kasama ang ilang officemates. Hindi lang pala kami ang excited. Marami rin. Puno ang sinehan. Maraming tao. May mga nakaputing uniform. Mga nursing students yata sila. Yun ang nakita ko. Di ko na inalam kung iyon din ang nakita ng mga kasama ko.


Hindi talaga ako matatakutin. Siguro nasanay na rin ako. Kasi kadalasan, kung ano o sino man ang makita ko, hindi nila ako pinapansin. Maliban na lamang sa ilan na tumatawag sa pangalan ko at mga batang gustong makipaglaro. Dumating din ang panahon na iniwasan ko ang matataong lugar. Gaya ng mga malls. Dahil mas malamang sa hindi, lalo't hindi ako pamilyar sa lugar at iba-iba ang mga taong naroroon. Hindi ko matutukoy kung sino ang totoong tao at sino ang hindi.


Nagtrabaho ako noon sa isang industrial plant. Umupa ako ng isang bedspace malapit sa planta. Tama lang ang kwarto para sa dalwang tao. May sariling kusina at banyo. Ang sahig ay nalalatagan ng puting bulaklaking linoleum. Medyo maingay kapag lumakad ka ng nakayapak. Dalawa ang higaan. Isang kama at isang floor mattress. Pinakilala sa akin ng landlady ang makakasama ko sa kwarto. Mas nauna sya sa aking umupa sa kwarto. Mas mataas sya sa akin ng kaunti. Bilugan ang mukha at katawan. Maputi. Bikolano. Laging naka-grey boxer shorts. Billy ang panagalan nya. Sya ang matutulog sa kama. Ako sa floor mattress. No choice. Hindi naman kami pwedeng magtabi sa kama.


Tahimik naman ang mga nagdaang mga gabi. Maliban sa hilik, kuliglig at mga impit na ungol. Maayos naman akong nakatulog. Lumipas ang tatlong buwan. Isang gabi, nagising ako sa maiingay na yapak sa linoleum. Pagmulat ng mata ko, nakita ko ang mga paa ng naglalakad. Lumabas sya galing sa banyo. Papalapit sya sa higaan ko. Umapak sya sa mattress. Hinakbangan ako. Sinundan ko ng tingin kung saan sya papunta. Lalabas sya ng kwarto. Ang nasa isip ko si Billy. Pero saan sya pupunta nang ganoong oras? Noon ko lang din nakita ang kabuuan ng naglalakad. Isang lalaki. Matangkad. Naka white shirt at maong pants. Bumangon ako. Umupo sa mattress. Nakita ko si Billy, mahimbing na natutulog sa kama.

Sino ang lalaki?


Dalawang gabi pa ang lumipas. Maingay na langitngit ng kama ang gumising sa akin. Bumangon ako. Umupo sa mattress. May nakaupong lalaki sa kama ni Billy. Inuuga nya ang kama. Akala ko si Billy. Hindi ako sigurado kung si Billy nga. Nilapitan ko. Tinitigan ko kung sino. Ilang pulgada lang ang layo ng mukha nya sa mukha ko. Hindi sya si Billy. Hindi rin sya nakatingin sa akin. Nakatingin sya sa kanan. Patuloy nyang inuuga ang kama. Sya ang lalaking nakita kong naglalakad noong isang gabi. Iyon pa rin nag suot nya. Nakita ko si Billy. Mahimbing pa ring natutulog.

Iyon na ang huling gabi ko sa kwarto.






"I will color the world one step at a time..."