Tuesday, July 21, 2009

A is for ACRYLIQUE





"The true harvest of my life is intangible - a little star dust caught, a portion of the rainbow I have clutched."

---Henry David Thoreau






RED

- Hindi ito ang paborito kong kulay. Hindi ko alam kung bakit. Pero karamihan sa mga kamiseta ko, kulay pula. Palagi kong binabalak bumili ng bagong t-shirt, yung ibang kulay.Pagpunta ko sa mall, nalulunod ang mga mata ko sa dami ng mga t-shirt. Pagkatapos ko mag-ikot ng apat na oras. Ang nabili ko, tatlong t-shirt. Kulay pula.





ORANGE

- First year high school ako noon. Nagrereview ako para sa Periodical exam. Narinig ko mula sa transistor radio ng kapitbahay, ang radio program ni Ernie Baron. Ang sabi nya para raw tumalas ang memorya, tumitig sa matingkad na kulay. Gaya ng orange. Tumingin ako sa paligid. Nakita ko ang kulay orange na reflector ng bisikleta ko. Kinalas ko iyon. Tinitigan ko buong gabi. Kinabukasan, masaya kong sinagutan ang exam.Subject: Filipino. Bumagsak ako. Kalahati ng klase, bagsak din. Napaisip ako. Hindi lang yata ako ang nakinig kay Ernie Baron. Hindi lang yata ako ang tumitig sa kulay orange. Napangiti ako.



YELLOW

- "I drew a line,I drew a line for you,Oh what a thing to do,"

Ito ang linya mula sa paborito kong kanta ng Coldplay. Galing sa album nila na Parachutes. Una kong marinig ang kanta, tumindig na ang balahibo. Nang mapanuod ko ang music video, napa-wow ako. Dahil sadya akong inggitero, nainggit ako. Gumagawa ako ng sarili kong music video...sa loob ng banyo.





GREEN

- Nabasa ko sa isang tabloid dati, Remate. Yun kasi ang binibili ng tatay ko. Wala akong ibang binabasa dun kundi horoscope lang. Promise. Hindi ko nga alam ang istorya nina Kristal, Tonyo, Nene at Magda. Hindi ko nga ginupit yung picture ni Ynez Veneracion. Kasi horoscope lang talaga binabasa ko. Nabasa ko na GREEN ang lucky color ko. Kaya kapag nasa “What is your favorite color:” na ako ng slumbook, GREEN ang isinusulat ko.




BLUE

- Noong bata ako, para matuto akong lumangoy. Tuwing linggo, sakay ng isang bangkang de motor. Isasama ako ng tatay ko sa laot. Kasama ng aso namin, si Sharon. May baon kaming monay na may palaman na sardinas at isang litrong coke. Pagdating sa laot, ihahagis ako ng tatay ko sa tubig. Kasama ng aso namin. Ewan ko ba, balak yata akong patayin ng tatay ko. Kapag hindi ko na kaya at nalulunod na ako. Hahatakin ako ng tatay ko sa bangka. Kakain ng baon naming meryenda.


INDIGO



- Sabi nila, wala naman daw talagang indigo. Ano ba naman kasi ang indigo? Alanganing blue. Alanganing violet. Kumbaga, sya yung nasa gray area. Kung may Yes or No, sya yung or. Kung nasa gray area sya, hindi sya indigo. Gray sya. Pero sabi nila, wala raw talagang gray area. Dahil it is either OO at HINDI lang. Hindi ako naniniwala dun. Kasi ang buhay ko ay laging nasa alanganin. Isang malaking Indigo.






VIOLET

- Minsan sa buhay ko, tumira ako sa Nagcarlan, Laguna. Nagbakasyon ako roon. Mahigit isang taon din. Natikman ko ang lambanog. Mas masarap kesa gin. Pwedeng bilhin sa tindahan ng tingi. Parang toyo at suka lang. Masarap inumin kahit walang pulutan. Minsan bahaw lang ang katapat. Solve na! Paggawa ng kakaning ube ang ikinabubuhay ng marami doon. Syempre minsan tumutulong din ako. Naghahalo at nagmamasa ako ng ube. Araw-araw kumakain ako ng ube. Nakakasawa pala yun. Araw-araw din naliligo ako sa isang sibol. Sa gitna ng gubat. Sa umaga at sa hapon. Hubo’t hubad.




Ako si ACRYLIQUE at ito ang ilan sa mga kulay ng buhay ko. Ang bahaghari na kumukulay sa kalangitan ko. Ang liwanag na sumasabog sa bukang liwaway at sa dapithapon. Ako ang pintura, ang buhay ang aking obra. Mga kulay na tinitimpla ko, magmula pa noong nakita ko ang liwanag sa mundo.







At dahil bertdey ko ngayon, maghuhubad ako.






Post Note:


Hindi ko na kamukha ngayon ang mga nasa larawan.





"I will color the world one step at a time..."

Monday, July 20, 2009

PENGUIN

"Every long lost dream led me to where you are

Others who broke my heart they were like Northern stars

Pointing me on my way into your loving arms

This much I know is true

That God blessed the broken road

That led me straight to you "


-"Bless The Broken Road" by Rascal Flatts







Sa tuwing panahon ng yelo, sa gitna ng mga disyertong niyebe ng Antartica. Isang makasaysayang paglalakbay ang gumuguhit sa pinakamalamig na puso ng mundo. Isang paglalakbay na ilang libong taon nang nagaganap. Isang paglalakbay ng tunay na pag-ibig.


Sa mahigit kumulang na walong buwan, sisimulan ng mga Emperor Penguin ang paglalakbay sa kanilang breeding cycle. Maglalakad ang ilang libong penguin papunta sa kanilang breeding ground. Iiwanan nila ang magandang buhay sa asul na karagatan. Susundan lamang ang liwanag ng bituin mula sa katimugan. Susuungin ang daluyong ng malakas na hangin, matinding lamig at mapanganib na mga hayop. Aakyatin ang mga bundok na yelo. Magsisimula at magpapatuloy sa maliliit na hakbang.


Pagdating sa tagpuan, ang pugad ng suyuan. Magsasayaw ng swabeng indayog. Kasabay ng pag-awit ng musika ng puso. Hahanapin ng Emperor Penguin ang tanging kapareha na makakasama nila buong buhay. Magsisimula na ang suyuan. Uusbong ang isang pag-ibig na tanging mga Penguin lamang ang nakagagawa. Sa pagkakataon na makita na nila ang durugtong sa kanilang buhay, hanggang kamatayan na ang katapatan sa pagmamahal.


Magsasama ang mag-asawang Penguin hanggang sa makapangitlog ng isa ang babaeng Penguin. Pagkatapos nito, babalik na sa karagatan ang babaeng Penguin upang manginain. Bubusugin ng husto ang sarili at mag-iimbak ng pagkain sa kanyang katawan para sa inakay nito. Habang ang lalaking Penguin ay maiiwan upang alagaan at limliman ang kanilang itlog. Sa loob ng dalawang buwan, maglalakbay muli ang mga lalaking Penguin. Upang maghanap ng mas mainam na lugar na may magandang klima para sa mabuting kalagayan ng mga itlog. Habang nakaipit sa pagitan ng kanilang mga paa ang kanilang itlog sa buong panahon ng paglalakbay.


Pagkatapos ng dalawang buwang paglalakad at walang pagkain. Mapipisa na ang mga itlog. Hindi sapat ang reserbang pagkain ng mga tatay na Penguin para sa kanilang mga inakay. Kaya kapag hindi dumating sa tamang panahon ang babaeng Penguin, mamatay sa gutom at lamig ang munting inakay.


Sa pagdating ng babaeng penguin. At sa oras na mabuo ang munting pamilya. Ang lalaking Penguin naman ang aalis at manginginain sa karagatan. At pupunan naman ng ina ang pagkukulang sa anak. Dahil sa mahabang panahon na pagkakawalay dito. Haharapin ng inakay ang mga panganib ng lamig, kadiliman at mababangis na hayop.


Sa pagdating ng tag-init. Kapag nalusaw na ang mga bundok ng yelo. Iiwanan na ng mga magulang ang kanilang mga malalaking inakay sa karagatan upang maghanada sa panibagong paglalakbay. Panibagong breeding cycle. Uulitin nila ng maraming beses. Maglalakad sila ng ilang daang milya sa ibabaw ng malamig na teritoryo ng mundo. At muling magtatagpo ang nagkalayong mag-asawa. Gaya ng kanilang unang pagtatagpo. Pupunuin nila ng mainit na pag-ibig ang malamig na Antartica. Gaya ng magkasintahang sabik sa unang pagkikita.


Sa loob ng apat hanggang limang taon, mamumuhay sa karagatan ang mga batang Penguin. At pagkatapos, susunod na rin sa yapak ng kanilang mga magulang. Magsisimula ng panibagong paglalakbay upang makabuo ng sariling munting pamilya. At ang hanapin ang nag-iisang kabiyak ng kanilang mga puso.








"I will color the world one step at a time..."












Sunday, July 19, 2009

TAMPISAW

“Let your life lightly dance on the edges of Time like dew on the tip of a leaf.”

- Rabindranath Tagore
























"I will color the world one step at a time..."

Saturday, July 18, 2009

ANG KASALANAN

“Should we all confess our sins to one another we would all laugh at one another for our lack of originality”

- Kahlil Gibran











Kinagabihan, nakaupo kaming tatlo sa ilalim ng poste at nagbabasa. Ako at si Melvin ay nagbabasa ng komiks. Nagbabasa ng libro si Mike tungkol kay Karpio. At nagkkwento s na parang alam nya ang lahat tungkol kay Karpio. Meron din akong alam tungkol kay Karpio. Pero may kwento syang noon ko lang narinig.


Tumatanda na si Karpio. Malungkot siya at gusto ng mag-asawa. At kalungkutan ang nagpapahina sa kanya. Maaaring ikamatay nya ito. Ang lahat ng kababaihan ay hinahangad na mapangasawa si Karpio. At hinahangad rin nyang mapangasawa. Ang kasalan ay magiging engrande. Bonggang-bongga. Sya ang susunod na magiging Sultan. Kung kaya nyang patayin ang lahat ng kalaban. Bakit hindi nya pwedeng mapangasawa ang lahat ng babae? Syempre, gusto rin naman kasing sumaya ng ibang kalalakihan. Huwag kang ganid Karpio. Kaya naiisip ng sultan na magkaroon ng isang patimpalak para kay Karpio. Inipon ang lahat ng kadalagahan. Pinaupo sila sa taas ng burol. Magpapahabaan sila ng ihi. Ang may pinakamahabang ihi ang mapapangasawa ni Karpio. Isang babaeng nagngangalang Esme ang nanalo. Magmula noon naging sikat si Esme sa kanyang mahabang ihi.


Nagtawanan kaming tatlo. Ngunit sa palagay ko hindi naintindihan ni Melvin ang kwento. Bata pa siya. Tumawa lang sya marahil sa salitang ihi. Ang sabi ni Mike, ako ay nagkasala. Dahil pinakinggan ko ang kwento nya. At kailangan kong sabihin ito sa pari sa aking First Confession. Sabi ni Mike ang ihi ay isang marumi at masamang salita. Kailangan ko ngang ikumpisal.


Hindi ko alam ang gagawin ko. Paano ko sasabihin sa pari ang kasalanan ko? Lahat ng kaklase ko, alam na nila ang kasalanang ikukumpisal nila. Kabisado na nila ang kanilang sasabihin. Halos pare-pareho ang kasalanan nila. Nagsinungaling. Nagnakaw ng pera sa pitaka ng nanay. Sinaktan ang kapatid. Hindi sumunod sa magulang. Nagmura. At ako, may isang kasalanan na walang kapareho. Sa oras na marinig ito ng pari, kakaladkarin nya ako palabas ng simbahan. Hanggang sa kalye. Ipapaalam nya sa lahat na nakinig ako sa isang maruming kwento tungkol kay Karpio. Tungkol sa ihi ni Esme. Kamumuhian ako ng lahat.


Sa araw ng First Communion, sinamahan kami ni Bb. Daligcon sa simbahan para sa aming First Confession. Bawat isa ay ibinubulong sa sarili ang kasalanan nila, ang sasabihin nila. Nauna si Quintos sa confession box. Sinusubukan kong pakinggan ang kasalanan ni Quintos. Para naman malaman ko kung mas malala pa ang kasalanan nya sa kasalanan ko. Ngunit wala akong marinig. Ang hina ng usapan nila. Nang matapos sya, umiiyak siyang umalis sa confession box.


Ako na ang susunod. Madilim ang confession box. May malaking krus sa may ulunan. Lumuhod ako. Bumukas ang isang maliit ng bintana. Nakita ko ang isang mukha. Ang mukha ng pari.


“Anak…”
“Basbasan mo po ako, Father. Sapagkat ako ay nagkasala. Ito po ang aking unang kumpisal.”
“Sige, sabihin mo sa akin ang mga kasalanan mo.”
“Nagsinungaling po ako, nagnakaw sa pitaka ng nanay ko, nagmura po ako.”
“Meron pa bang iba?”
“Nakinig po ako sa isang kwento tungkol kay Karpio at Esme.”
“Sa tingin ko, hindi iyon kasalan.”
“Kasalanan po iyon. Dahil nanalo si Esme sa pahbaan ng ihi.”


Nakarinig ako ng malalim na paghinga mula sa pari. Tinakpan ng pari ang bibig nya. Para syang nabubulunan. Namumula ang mukha nya.


“Anak, saan mo narinig ang kwento na iyon?” Natatawang tanong ng pari.
“Kay Mike po, kalaro ko.”
“Saan nya nakuha iyo?”
“Nabasa po nya sa isang libro.”
“Ah, sa libro. May mga librong hindi pwede para sa mga bata. Kaya iwasan mo nalang ang ganoong mga kwento. Magbasa ka na lamang ng mga kwento tungkol sa buhay ng mga santo.”
“Opo, Father.”
“Meron pa bang iba, anak?”
“Wala na po.”
“Para sa parusa mo, magdasal ka ng tatlong Abaginoong Maria, tatlong Ama Namin at ipagdasal mo rin ako.”
“Ako po ba ang may pinakamasamang kasalanan?”
“Ha-ha, hindi anak.”




Nagmula ang larawan dito...




"I will color the world one step at a time..."

Tuesday, July 14, 2009

HOSTIA

“ Is Jesus Truly Present in the Eucharist?”


- John Parish








Ang sabi ni Bb. Daligcon, sa susunod na araw daw darating ang pari para mag-obserba sa pagtuturo nya ng Katesismo. Kaya ituturo nya sa amin kung paano gawin ng tama ang Holy Communion.


Kumuha sya ng mangkok. Gumupit ng malilit na bilog na papel. Sinlaki ng singkwenta sentimos. Yung barya na may agila at sa kabilang mukha ay si Marcelo H. del Pilar. Ibinigay nya kay Pandoy ang mangkok na may papel. Pinaluhod nya si Pandoy. Kumuha sya ng isang bilog na papel. Bumulong siya ng "Katawan ni Kristo". Sinabi nya kay Pandoy na magsabi ng "Amen". At ilagay ang bilog na papel sa dila ni Pandoy. Sa pamamagitan ni Pandoy ipinakita sa amin ni Bb. Daligcon ang wastong paglabas ng dila at paglagay ng bilog na papel. Kapag nasa dila na ang papel, tumigil daw sandali at dahan-dahang ipasok ang dila. Pagdaupin ang mga kamay. Tumingala sa langit. Pumikit. Hayaang malusaw ang papel sa dila. Marahang lunukin. Magdasal at magpasalamat.




Pinigilan namin ang malakas na tawa nang ilabas ni Pandoy ang dila nya. Noon lang kami nakakita ng isang malaki at nangingitim na dila. Minulat nya ang kanyang mga mata. Hinuhuli kung sino ang mga tumatawa. Wala syang magawa dahil hindi pa sya pinapatayo ni Bb. Daligcon.


Pagkatapos, kaming lahat naman ang pinaluhod. Isa-isa kaming binigyan ni Bb. Daligcon ng bilog na papel. Bumubulong sya sa Latin. Ang sinumang mahuli nyang tumatawa ay sinisigawan nya na parang leon.
Sinabi nya sa aming ilabas ang dila, yung tama lang para hindi malaglag ang hostia sa sahig. Dahil kung malalaglag daw ang hostia, iyon ang pinakamalalang mangyayri sa pari. Kung dudulas daw kasi ito sa dila, kailangang lumuhod ang pari at pulutin ito ng kanyang dila. Didilaan rin nya ang sahig kung sakaling gumulong ito at tumalbog-talbog. Mamamaga daw ang dila ng pari. Magiging sinlaki ng singkamas. At ikamamatay nya.


Ang First Communion daw ang pinakabanal sa lahat. Ito raw kasi ang unang pagkakataon na tatanggapin namin ang dugo at katawan ni Kristo. Ewan ko ba, sa tuwing pinag-uusapan ang First Communion mas excited pa si Bb. Daligcon kaysa sa amin. Palakad-lakad sya sa loob ng kwarto. Paikot-ikot. Ikinukumpas ang hawak nyang stick. Dahil magiging tunay na Kristiyano na kami.


Palagi nyang sinasabi na sa bawat klaseng tinuruan nya may nagiging pari at madre. At dahil kami ang pinakawalaang pag-asang klase na tinuruan nya. Ayon sa kanya, nagdadalawang isip sya kung may magpapari sa amin. Pero ang bawat isa daw ay may dahilan kung bakit nabuhay. Bawat isa ay may misyon. Hindi raw namatay si Kristo sa krus para sa wala. Namatay daw sya para iligtas kami. Ang iligtas kami sa apoy ng impiyerno.


Pagkatapos, pinauwi na nya kami.



Nagmula ang larawan
dito...




"I will color the world one step at a time..."

Monday, July 13, 2009

CHEESE ROLL

“The Ten Commandments were not a suggestion.”

- Pat Riley






“Mister Pandoy, ano ang pang-anim na utos ng Diyos?” tanong ni Bb. Daligcon. “Huwag kang mangangalunya.” Mabilis na sagot ni Pandoy.
“Huwag kang mangangalunya?”
“Huwag kang mangangalunya, Bb. Daligcon.”

“Ano ang panganagalunya, Mister Pandoy?”

“Hindi malinis na pag-iisip, hindi malinis na salita, masamang pagnanasa, Bb. Daligcon.”
“Magaling Mister Pandoy! Kahit na bobo ka kung minsan at medyo nangangamoy, dahil alam mo ang pang-anim na utos ng Diyos, makakarating ka sa langit.”



Siya si JR Pandoy. Mas sanay kami na tawagin siyang Pandoy. Hindi magkapares ang suot niyang tsinelas. Hindi magkapareho ng kulay. Minsan parehong kanan. Minsan parehong kaliwa. Depende raw kung anong naiiwan para sa kanya. Kalbo sya. Kinakalbo sya ng nanay nya. Para raw gumaling ang mga sugat nya sa ulo. Para rin daw mawala ang mga kuto nya. Marami rin syang sugat sa braso at siko, sa binti at tuhod. Tinutuklap nya ang mga natuyong sugat. Kinakamot hanggang sa dumugo muli. Kinakain nya ang natuklap na balat. Sipunin si Pandoy. Dinidilaan nya ang tumutulong sipon mula sa ilong nya. Kapag hindi tumutulo ang sipon nya, nangungulangot sya. Binibilog nya sa daliri ang naipong kulangot at kinakain.


Sya ang bunso sa pitong magkakapatid. Madalas butas ang suot nyang kamiseta. Minsan halos parang basahan na. Minsan din kapag pumapasok sya sa paaralan, dumudugo ang ilong nya o kaya meron syang black eye. Dahil kailangan nyang makipag-agawan sa damit at makipag-away sa mga kapatid nya tuwing umaga.



Sya ang pinakamalaki at pinakamatanda sa klase namin. Sampung taong gulang na sya. Hindi sya makapaghintay na tumanda. Sabi nya, pangarap nyang maging bombay. Marami raw kasing pera ang bombay. Gusto rin nya kasing magkaroon ng motorsiklo. At gusto nyang makapag-asawa ng isang babaeng may pulang tuldok sa noo. Kung paano nya gagawin yun, hindi ko alam.



Ayaw nya talagang mag-aral. Sya ang bully sa klase. Madalas syang magpaiyak ng mga kaklase namin. Pero mabait sya sa akin. Sa tingin ko mabait sya sa akin dahil sa keso. Pumapasok lang sya sa eskwela dahil sa libreng meryenda. Iyon din naman ang gusto ng lahat.


Iniipon ang buong klase namin sa canteen. Pipila. At isa-isa kaming bibigyan ng isang mangkok ng sopas at isang piraso ng cheese roll. Wala kaming pakialam kung gaano pa kaiinit ang sopas at ang panahon. Basta kakainin namin iyon ng buong sarap. Hihigupin hanggang sa huling patak ng sabaw. At ang cheese roll, parang pinahabang pandesal lang. Bakit kaya tinawag na cheese roll ang isang tinapay na walang cheese? Ang sabi ni Bb. Daligcon, baka raw nakalimutan lang lagyan ng keso ang cheese roll. Magpasalamat na lang daw kami dahil meron kaming kinakain.
Pero binubulatlat pa rin ng bawat isa ang hawak na cheese roll. Umaasang makakita ng kahit maliit na piraso ng keso. Sa wakas, isa sa amin ang nakakita ng keso. At ako yun. Isang pirasong keso, na dalawang sentimetro ang haba. Hinawakan ko iyon ng dalawang daliri at itinaas. Lumapit sa akin ang mga kaklase ko. May nagmamakaawa. Bawat isa ay may inaalok na kapalit sa keso. May nagsabing ibibigay nya sa akin ang kalahati ng sopas nya kapalit ng keso. May isang ibibigay sa akin ang lapis nyang Bensia. Merong isa na ibibigay ang Funny Komiks nya. Si Ruel, ibibigay daw nya sa akin ang ate nya. Narinig sya ni Bb. Daligcon. At isang malakas na batok ang natanggap nya.



Nakita ko si Pandoy. Nakaupo lang sa isang sulok. Ubos na ang sopas nya. Wala syang suot na tsinelas. Nilapitan ko sya at ibinigay ang keso na hawak ko. Galit na galit na nagsisigaw ang ibang kaklase ko. May nagsabi ng “PAKYU”, “TANGA”, “BOBO”, “IDYOT KA”. Pagsisihan ko man ang ginawa ko. Gustuhin ko mang bawiin ang keso. Wala na akong magagawa. Pagkaabot ko sa kanya ng keso, mabilis nya itong isinubo. Nilunok. Di man lang nginuya. Di man lang nya ako binigyan ng maliit na piraso. Ang nasabi ko na lang sa isip ko, “PAKYU”, “TANGA”, “BOBO”, “IDYOT KA”. Nakatingin lang sa akin si Pandoy. At walang sinabi. Nakatingin lang din sa akin si Bb. Daligcon. Wala rin syang sinabi. Pero nakangiti sya.





Nagmula ang larawan
dito...





"I will color the world one step at a time..."

Sunday, July 12, 2009

ANG MATADERO

“Going to church does not make you a Christian anymore than going to the garage makes you a car.”


- Dr. Laurence J. Peter











Matanda na si Bb. Daligcon. Isang matandang dalaga. Malakas ang boses nya. Parang laging galit. Sumisigaw. At ang laway nya, parang mga paniking nagliparan mula sa madilim at malalim na kuweba. Na binulabog ng isang galit na galit na halimaw. Ang mga paniki, naglipana sa mukha ng mga kamag-aral kong nakaupo sa harap nya. Sa tuwing magsasalita sya, parang panis na gatas ang sumasabog mula sa labi nya. Ang tanging panalangin lang ng mga kamag-aral ko, sana walang TB si Bb. Daligcon. Dahil madalas syang umubo sa mukha ng mga ito.


Katesismo ang tinuturo ni Bb. Daligcon. Ang sabi nya kailangang mabuhay kami sa katesismo. Huminga, kumain at matulog ng katesismo. Hanggang sa maging dugo na namin ito. Kailangang kabisaduhin namin ang Ten Commandments, ang Seven Sacraments, ang Seven Deadly Sins. Isapuso ang lahat ng dasal. Ang Ama Namin, Aba Ginoong Maria, Sumasampalataya, Angelus, Litanya. Kailangang dasalin namin sila sa Ingles at Tagalog araw-araw sa klase nya. Isang salita lang ang makalimutan, dadapo sa katawan namin ang stick na hawak nya.


Isang araw may bago syang naisip. Kailangan daw matutunan namin ang mga dasal sa Latin. Dahil ito daw ang pinakabanal na salita. Latin daw kasi ang dinarasal ng mga martir habang isa-isang tinatanggal ang mga kuko nila at unti-unting binabalatan ng mga barbaro. Kami raw ang pinakawalang pag-asang klase sa buong kasaysayan ng pagtuturo nya sa mababang paaralan na iyon. At dahil banal daw ang Latin, kaya bibigyan kami ng katiting na pag-asa ng Diyos. Para raw hindi kami tuluyang mahulog sa impiyerno o purgatoryo.


Nagtaas ng kamay si Quintos. Sya ang palatanong na si Quintos. Sa lahat ng inip na inip na mga batang nandoon, sya lamang ang may lakas ng loob na magtanong. Hindi nya kayang pigilan ang sarili nya. Nanginginig syang tumayo. At ang tanong nya, “Bb. Daligcon, ano po ang purgatoryo?”


Patay kang bata ka. Gumulong ang mga mata ni Bb. Daligcon hanggang langit. Lagot. Papatayin nya si Quintos. Walang kurap ang buong klase. Naghihintay kung paano kakatayin ni Bb. Daligcon si Quintos. Sa halip pinagsabihan lamang nya ito. “Mister Quintos, huwag mo nang alamin kung ano ang purgatoryo. Hindi ka naman doon mapupunta. Kaya wala ka nang pakiaalam kung ano ang purgatoryo. Narito ka para mag-aral ng katesismo. At gawin ang lahat ng pinapagawa sa iyo. Hindi ka narito para magtanong. Dahil mga naliligaw lang ang nagtatanong. Hindi ako responsible kung maligaw ka. Naiintindihan mo ba Mister Quintos?”


“Opo.”
“Opo?”
“Opo, Bb. Daligcon.”


Itinaas muli ni Quintos ang kamay nya. “Bakit po nagtatanong ang mga naliligaw?”


Hindi humihinga ang buong klase. Nakikiramay sa pagpapakamatay ni Quintos. Ang mukha ni Bb. Daligcon namuti, tapos naging pula. Nagsimula siyang magsalita. Sumigaw na parang leon. Nagliparan ang laway nya kung saan-saan. Lumapit sya kay Quintos. Hinatak nya ito sa tenga papunta sa harapan ng klase. Mangiyak-ngiyak ang kaawa-awang si Quintos. Hinampas nya ito ng stick sa kamay, sa braso, sa hita.


“Tingnan nyo ang insektong ito!”
“Patawad po Bb. Daligcon,” tuluyan ng umiyak si Quintos.
“Patawad? Bakit ka humihingi ng tawad?”
“Patawad po dahil nagtanong ako.”
“Tama, Quintos! Dahil sa susunod na magtanong ka. Ibabalik kita sa pinagluwalan mo! Naiitindihan mo ba, Quintos?”
“Opo.”
“Opo?!”
“Opo, Bb. Daligcon.”
“Ngayon, bumalik ka na sa kinauupuan mo kutong-lupa ka!”


Pagkaupo ni Quintos, hinatak nya ang laylayan ng kanyang kamiseta. Ipinunas sa basang-basang mukha na pinaghalong luha nya at laway ni Bb. Daligcon.


“Ang sinumang tatanga-tangang batang magtanong muli sa klase na ito, babalatan ko ng buhay, dudukutin ko ang mata, puputulin ko ang dila at ipapakain sa aso. Naiintindihan nyo?”

“Opo, Bb. Daligcon.” Sabay-sabay na sagot ng buong klase.


At itinaas muli ni Quintos ang kamay nya.







Nagmula ang larawan dito...




"I will color the world one step at a time..."

Thursday, July 9, 2009

TIKATIK

“As a young boy,
when you get splashed by a mud puddle on the way to school,
you wonder if you should go home and change,
but be late for school, or go to school the way you are.
Dirty and soaking wet.
Well, while he tried to decide,
I drove by and splashed him again.”



- Jack Handy

















Location: Vista Verde, Cainta, Rizal



"I will color the world one step at a time..."

Tuesday, July 7, 2009

KUBA





Siya si Quasimodo, iyon ang tawag ng mga tao sa kanya. Marahil sa literal na dahilan. Kubot ang likod nya. Madalas ko siyang makita sa ilalim ng malaking puno ng talisay sa may kanto. Nagsasalita ng mag-isa. Madungis. Taong grasa. Maikli, payat at baluktot ang kanang binti nya. Kung maglakad sya’y umiikot ito. Parang may sariling buhay. Sa ibang direksyon nagpupunta tuwing hahakbang sya. Gumegewang. Parang bubuwal sya anumang minuto. Madalas nyang murahin ang binti nya. Madalas nyang murahin ang mga taong nakikita nya. Madalas nyang murahin ang mundo.


Habang naghihintay ako ng jeep papuntang Marikina. Naroon sya. Bagong gising. Nakatingin sya sa akin. Tiningnan ko sya mula sa gilid ng mga mata ko. Tahimik lang sya. Pero nakakalusaw ang mga titig nya. Hindi siya nagsalita. Hindi nya ako minura. Siguro maganda ang gising nya. Siguro maayos ang mood nya. Siguro ganoon lang talaga sya tumingin. Siguro masaya ang panaginip nya. Parang gusto kong batiin sya ng “Good morning, Dude!”. Pero huwag na lang. Kasi parang gutom sya. Parang gusto nya akong kainin.


Tumalikod ako. Nagsimula syang magsalita;


“Matanda na ako, mga trenta. Malapit na bertdey ko. Maghahanda ako. Punta ka! Iniimbinta kitang gago ka! May lobo. May videoke. Kakanta ako, iyong kanta ni Freddie Aguilar. ‘Yung Magdalena. Peborit ko yun. Pangalan kasi yun ng nanay ko. Putangina kasi nanay ko. Oo! Tanginang puta sya! Madalas ko sya makitang naglalagay ng pulang-pulang lipistik. Parang namamaga nguso nya. Kung anu-anong burloloy ang sinusuot nya. Kita na nga panty nya sa suot nyang palda. Bakat lagi utong nya. Malalaki dyoga nun. Kung sinu-sino nga ang lumalamas. Kung sinu-sinong lalaki ang pumapasok sa bahay namin. Kapag may bisita sya. Ayaw nya akong ipakita. Kinukulong nya ako sa aparador. Minsan pinapaalis nya ko. Binibigyan nya ako ng piso. Ibili ko raw ng bukayo. Pero minsan lang talaga yun. Pag-uwi ko, hinahanap pa yung piso sa akin. Siguro kasi alam nyang hindi naman talaga ako umaalis. Nasa likod-bahay lang ako. Tangina, hindi ako naninilip! Ayoko kasing lumabas. Marami kasing tarantado sa labas. Pinagtatawanan ako. Ginagaya. Mamatay na silang lahat. Meron ngang siraulong pinahabol ako sa aso. Magnanakaw daw ako. Tiningala ko lang naman yung bunga ng papaya nila. Tangina, paano ko kaya aakyatin yun! Mabilis palang tumakbo yung gagong asong yun. Naabutan ako. Pag-uwi ko nang bahay. Dumudugo hita ko. Binatukan pa ko ng pokpok kong nanay. Bahala na raw akong mamatay. Wala raw syang perang pampagamot. Sabi nya hugasan ko raw. Tapos binigyan nya ako ang bawang. Balatan ko raw at ikuskos sa sugat ko. Lumabas ng bahay si nanay. Pinagmumura ang kapitbahay. Hirap na hirap akong abutin ‘tong lintik na sugat na ‘to. Hindi ko alam kung paano ipipihit ang katawan ko. Kaya kinapa ko na lang. Dahan-dahan ko kinuskos ang bawang. Pero madiin. Hayop na bawang na yun! Ang init! Tangina, ang hapdi!


Habang kinakangkang ang nanay ko ng kung sinumang hinayupak na lalaki. Nasa loob ako ng aparador. Nakikinig ako ang radyo.’ Yung de bateryang radyo. Tangina idol na idol ko si Jo Taruc. Pangarap ko dati maging radio announcer sa DZRH. Lagi ko ginagaya boses nya. Yung Balita Round The Clock. Tangina, galing nun. Pero sabi ng nanay ko. Hanggang pangarap lang daw yun. Sa tingin ko tama sya. Kasi nandito ako ngayon. Mataas rin mangarap nag nanay ko. Tangina, gusto raw nya yumaman. Gusto raw nya sumakay sa magandang kotse. Nagka-letse-letse lang daw buhay nya nung pinanganak nya ko. Mabait naman nanay ko. Sa tingin ko mahal nya ko. Kahit minsan sinasabi nya na sana pinalaglag na lang nya ako. Sana namatay na lang daw ako. Siguro ayaw din nya nakikitang nahihirapan ako. Kaya pangarap ko ring ibigay sa kanya ang mga pangarap nya. Paano ko gagawin yun? Magtitinda ako ng maraming banana cue. Pag-iipunan ko ang isang pulang kotse.


Minsan, binihisan ako ng nanay ko ng bagong t-shirt. T-shirt lang ang bago kasi luma na yung pantalon ko. Binigay ng kapitbahay noong nakaraang pasko. Sabi nya aalis kami. Ibibili nya ako ng siopao. Masarap yung siopao. Special siopao bola-bola. Tapos manamis-namis yung malapot na sauce. Putangina, heaven! Isinama ako ng nanay ko sa Binondo. Iniwan nya ko sa isang tindahan na amoy Vicks. Sabi nya hintayin ko sya doon. Bibili lang daw sya ng siopao. Dalawang araw ako naghintay. Hindi sya dumating. Siguro naligaw siya. Siguro hindi nya nakita na may tindahan rin ng siopao sa tabi ng tindahaan na amoy Vicks. Pinagtanung-tanong ko sya. Hanggang ngayon hinahanap ko siya. Hanggang ngayon hindi ko sya makita.


Matanda na nga ako, mga trenta. Malapit na bertdey ko. Maghahanda ako. Putangina, engrande! Ikaw, kelan bertdey mo?”


Dumating na ang jeep biyaheng Marikina. Pinara ko. Pagsakay ko at sa pagtakbo ng jeep. Tiningnan ko sya. Nakatitig sya sa akin. Nakangiti. At naka-dirty finger.





Nagmula ang larawan dito...



"I will color the world one step a time..."

Sunday, July 5, 2009

VIRGIN LABFEST 5: SCHOOL OF LIFE (Isang Review)

"An unstable tone combination is a dissonance; its tension demands an onward motion to a stable chord. Thus dissonant chords are 'active'; traditionally they have been considered harsh and have expressed pain, grief, and conflict."


Roger Kamien




School of Life (Mga Dulang Walang Pinag-aralan)




Isang Mukha ng Pandaraya by Oggie Arcenas, directed by Roli Inocencio
Ang Huling Lektyur ni Misis Reyes by Tim Dacanay, directed by Hazel Gutierrez
Mababang Paaralan ng Caniogan by Job Pagsibigan, to be mounted by the SipatLawin Ensemble




ANG HULING LEKTYUR NI MISIS REYES


First time ko makita ang Manila Bay. Kahit maulan ang hapon na iyon. First time ko makarating sa CCP. "Ah, ganun pala ang itsura nun." First time ko makapanuod ng play...doon. Excited ako.


Ang tema ng mga dulang pinanuod ko ay School of Life (Mga Dulang Walang Pinag-aralan). Sumasalamin sa pagkakaiba ng pinag-aralan sa paaralan. Higit sa ipinakitang galing ng mga dula. Mas nanumbalik sa akin ang mga naranasan ko sa paaralan. Ang mas tumatak sa isip at damdamain ko, si Misis Reyes. Ang Huling Lektyur ni Misis Reyes.


Monologue. Sa tingin ko, madaling isulat. Ngunit mahirap isadula. Lalo pa at napakahaba ng mga linya. Napakaraming sasabihin. Ikaw at mga props mo ang aarte. Sarili mo ang support. pero ikaw lang ang bida. Nasa iyo ang spotlight.


Si Misis Reyes. Sa tingin ko kilala ko siya. Siya ang paborito kong guro. Ang aking guro sa English. Sya ang bukod tanging guro na nagbigay sa akin ng uno sa classcard noong kolehiyo. Naaalala ko pa. Sya ang nagsabi sa akin ng, "It's all in your charms, Darling. It is all in your charms." Sya ang paborito ko. Malamang ako rin ang paborito nya. Lahat ng sinasabi ko, pinapaboran nya. Binibilang namin ng seatmate ko kung ilang beses nya ako sabihan ng VERY GOOD. Kahit hindi ako nag-re-recite. Ako lagi ang "good example" nya.


Second year college ako noon, second semester, Finals. Ang Finals namin, kailangan naming gumawa ng isang speech. Ang topic ko, SEX EDUCATION. Dalawang araw bago ang finals. Nakarating sa amin ang isang napakasamang balita. Para sa akin, mas doble ang sama. Pumanaw bigla si Mrs. Reyes. Inatake ng hika. Nakitang walang buhay sa banyo. SLN. Talagang mas masamang balita para sa akin. Wala na ang aking paboritong guro. Ang tanging guro na nakakasundo ko. Ang tanging uno na nakukuha ko. Ang buhay nga naman.


May pumalit sa kanya para mag-administer ng Finals namin. Si Miss Morales. Hindi sya bias...sa akin. Hindi na ako ang paborito. Nang nag-deliver ako ng speech, puro negative comments ang natanggap ko. Wala syang pinapaboran. Kaya ang final grade ko, 2.0. Misis Reyes, sana man lang naghintay ka, kahit ilang araw man lang. Sana kinaya mo pa kahit konti. Na-miss kita...kanina.


Ngunit hindi iyon ang talagang tema ng dula. Nagkataon lang na pareho ang pangalan nila ng bida. Sa dula, ang tinuturo ni Misis Reyes sa high school ay MUSIC. Magaling ang pagganap ni Marjorie Ann Lorico bilang Misis Reyes. Naipakita nya sa entablado ang buhay ng isang guro at pagiging sensitibo nito sa buhay. Ang buhay ni Misis Reyes na unti-unti nyang naikukuwento sa pagitan ng bawat lektyur. Isang lektyur na pinaghandaan nya ng mabuti. Sa sobrang paghahanda, late sya sa klase. Ang kanyang nakaraan at problema sa pamilya ay gumugulo sa isipan nya nang araw na iyon. Pag-ibig na nauwi sa paghihiwalay nila ng kanyang asawa. Ang pagiging addict ng anak nya sa dota at internet. Ang tampuhan at di pag-uusap nila ng ate nya. Ang pagiging bakla ng pamangkin nya.


Ngunit sa kabila ng passion nya sa pagtuturo ng musika, nagmungkahi sya kay Sister Principal na magturo ng isang sensitibong subject. SEX EDUCATION. Isang mabuting liberal na guro na may mabuting layunin. Syanga naman, wala bang karapatan ang mga nabuntis na estudyante na makapag-aral. At karapatan ng bawat estudyante na matutunan ang isang importanteng bagay na nagiging sanhi ng napakaraming populasyon ng Pilipinas. Ilang buwan nyang pinaghandaan at pinag-aralan ang subject na ito. At sa araw ng presentasyon nya sa harap ni Sister Principal. Masasabi kong talagang pinaghandaan nya. Dahil may dala syang isang malaking drowing. Kinulayan pa niya ng 'brown'. Teka, paano ko nga ba ide-describe ang drowing. Isa itong malaking 'titi' na iginuhit nya sa isang malaking illustration board. San ka pa? Titi talaga kung titi. Ayon sa kanya, burat. Pagkatapos ng demo nya. Isang malaking HINDI rin ang ibinigay ni sister Principal. At dahil sa prustrasyon, naisipan ni Misis Reyes na ituro ang pinakaasam-asam nyang sex education sa huling lektyur nya bago ang graduation.


Honga naman. Ano nga ba nag pinagkaiba ng sex sa love making sa pagtatalik sa kantutan? Ano nga ba ang masama sa pagiging bakla? Sa pagkakalugmok ng iyong anak sa mga porn sites? Isang puting babae na pilit pinapasukan ng isang malaking negro. Mali man, iyon ang pakakarinig ko. Ano ba ang masama kung ituturo sa mag high school students kung paano ang tamang pagsusuot ng condom? Gamiting example ang isang saging na lakatan at strawberry flavored condom. Pindutin lamang ang dulo at dahan-dahang ipasok sa kabuuan ng saging. Paalala; Hindi sa saging ginagamit ang condom, example lang. Mapait nga naman ang rubber, kaya dinilaan nya. Para malamang strawberry flavor ang condom? Hindi isang beses nya itong dinilaan, tatlong beses pa. Word of the day- DISSONANCE. Na pinauso ni MOZART (Mochart). At ano nga ba naman ang pinagkaiba ng chupan sa syopan? At bakit kailanganing kuwestiyunin ang pagyoyoga ng isang music teacher?



Sa madaling salita. Naaliw ako. Natuwa. Marami akong natutunan. Iyon naman ang importante, ang hindi ka malimutan ng manonood mo. Kung mayroon pang pagkakataon na mapanuod ko ito, uulit-ulitin ko. Hanaggang sa makabisa ko na ang bawat linya ng monologo. Ako na ang aarte sa harap ng salamin. Sana nga maulit pa. Kasi hanggang ngayon lang (July 5) ang pagsasadula.







Virgin Labfest 5 is "Untried, untested unpublished and unstaged" plays from playwrights - emerging and established - make their first public appearances by leading directors, actors and designers from Philippine theater community.

It's being held at the Cultural Center of the Philippines (CCP) from June 23, 2009 to July 5, 2009 with matinee (3 pm) and night performances(8 pm).

SET A: School of Life (Mga Dulang Walang Pinag-aralan)
June 23: 3pm, 8pm
July 4: 8pm
July 5: 3pm

MPC by Job Pagsibigan, to be mounted by the SipatLawin Ensemble
Ang Huling Lektyur ni Misis Reyes by Tim Dacanay, directed by Hazel Gutierrez
Isang Mukha ng Pandaraya by Oggie Arcenas, directed by Roli Inocencio

SET B: It's Complicated(The Buhul-Buhol Trilogy)
June 24: 3pm, 8pm
July 3: 8pm
July 4: 3pm

Salise by J. Dennis Teodosio, directed by Roobak Valle
Ang Mamanugangin ni Rez by Clarissa Estuar, directed by Paolo O'Hara
So Sangibo A Ranon Na Piyatay O Satiman A Tadman by Rogelio Braga, directed by Riki Benedicto

SET C: Blood Sports (Trilohiyang Dinuguan )
June 25: 3pm, 8pm
July 3: 3pm
July 5: 8pm

Kitchen Medea by Kiyokazu Yamamoto, directed by Yoshida Toshihisa
Doc Resurrecion: Gagamutin ang Bayan by Layeta Bucoy, directed by Tuxqs Rutaquio
Asawa/Kabit by George de Jesus III, directed by George de Jesus III

SET D: The Family That _______s Together(Tatlong Dulang Walang Diyos)
June 26: 3pm, 8pm
June 30: 3pm
July 2: 8pm

Boy-Girl ang Gelpren ni Mommy by Sheilfa Alojamiento, directed by Carlo Pacolor Garcia
Maliw by Reuel Molina Aguila, directed by Edna Vida
Cherry Pink and Apple Blossom White by George Vail Kabristante, directed by Paul Santiago

SET E: Life is a Trap (Three Plays in Search of Escape)
June 27: 3pm, 8pm
June 30: 8pm
July 1: 3pm

Isang Araw sa Peryahan by Nicolas B. Pichay, directed by Chris Millado
Paigan by Liza Magtoto, directed by Sigrid Bernardo
Hate Restaurants by David Finnigan, directed by J. Victor Villareal

The Virgin Labfest 4 Revisited
June 28: 3pm, 8pm
July 1: 8pm
July 2: 3pm

Ang Kalungkutan ng mga Reyna, written and directed by Floy Quintos
Ang Bayot, Ang Meranao at ang Habal-Habal sa Isang Nakababagot na Paghihintay sa Kanto ng Lanao del Norte by Rogelio Braga, directed by Nick Olanka
Uuwi na ang Nanay kong si Darna, Job Pagsibingan’s adaptation of Uuwi na ang Nanay Kong si Darna by Edgar Samar, directed by Catherine Racsag






"I will color the world one step at a time..."

Saturday, July 4, 2009

SIGAY

" As I gaze upon the sea! All the old romantic legends, all my dreams, come back to me."


- Henry Wadsworth Longfellow




















"I will color the world one step at a time..."

Friday, July 3, 2009

TRANSFEREE

"God gave men both a penis and a brain, but unfortunately not enough blood supply to run both at the same time.

- Robin Williams





“Dude, what’s up with the hair?”


Tumingala sya mula sa desk na kinauupuan. At tiningnan sa mata ang kaklaseng pumansin sa buhok nya.


“Wag mo lang syang pansinin,” sabi ni Monica. Ang isa pang kamag-aral na nakaupo sa likuran nya. Hinatak ang nginuyang bubble gum sa bibig. At idinikit ang napirasong bubble gum sa ilalim ng desk. “Kulang-kulang lang utak nyan.”


“She’s right.” Sabat ni Josh. ”I’m Josh. At ako ay kulang-kulang. I didn’t mean to insult your hair. It’s just that parang any moment may darating na ibon at mangingitlog sa ulo mo.”


“I’m Paolo,” sabi nya at akmang makikipagkamay.


“OMG, who the fuck shakes hands anymore?” hinatak ni Josh si Paolo papalapit sa kanya at nakipag-chest bump. “Cool!”


Nagulat si Paolo at mabilis na lumayo sa pakakadikit ng katawan nila. Tiningnan nyang muli sa mata si Josh. May kakaiba syang naramdaman dito. Hindi amoy alak si Josh. Kaya malamang hindi ito lasing.


“What the fuck is up with all that damned chewing gum, Monica?” tanong ni Josh. “May Bazooka convention ba, or what?”


“Gago!” Habang binabalatan ni Monica ang isa pang bubble gum at sinubo ito. “Alam mo namang hindi na ko nagyoyosi. Ito lang ang nagpapasaya sa akin.”


Tiningnan lang ni Paolo ang dalawang kaklase. Pakiramdam nya out of place sya sa usapan ng dalawa. Dahil sa malakas na tawanan ng mga ito.


“Pupunta ka ba sa Freshman Ball later?” Tanong ni Josh kay Paolo.


Tumango lang si Paolo at tumitig sa mata ng kaklase.


“Come on , Paolo,” hinatak ni Josh ang kamay ni Paolo papunta sa dance floor.


“Hindi ba natin hihintayin si Monica?” Lumapit si Paolo sa tenga ni Josh para maintindihan ang sinasabi nito. Dahil sa malakas na bass ng sound system.


“Fuck no!” Sigaw ni Josh. “Hayaan mo syang maghanap ng partner nya. Tonight you’re my man.”


“Ano?”


“I mean, if that’s cool with you,” bulong ni Josh kay Paolo habang halos magkadikit na ang mga katawan nila.


“Hindi ko talaga maintindihan.” Habang inilalayo ni Paolo ang katawan nito sa kasayaw.


“Chill, dude. I just want to have a good time. Yun lang. and I want it to be with you.”


“Huh?”


Idinikit muli ni Josh ang katawan nito kay Paolo. Lumakas ang tugtog. Mas uminit ang dance floor. Kumakabog ang dibdib ni Paolo. Pinigil nito ang hininga habang hinahalikan siya ni Josh. At nagpang-abot ang dila ng dalawa. Lahat ng ito first time sa kanya.


“That’s what I mean.” Nakangiting sabi ni Josh. “I just wanna get it on with you. You’re fucking hot , dude. Even with that silly haircut.”


“Ano bang meron sa buhok ko?” Nakatawang tanong ni Paolo. Kinakabahan pa rin at namumula ang mukha.


Dumating si Monica at sinamahan ang dalawa sa dancefloor.


“I should’ve known it. Pokpok ka talaga Josh!” sigaw ni Monica. “Everytime I get a new boyfriend. Palagi mo na lang inaagaw.”


“Girl, punta ka na lang sa Starbucks!” Pangungutya ni Josh.


Nagpatuloy ang tatlo sa pagsayaw sa saliw ng kanta ni Cyndi Lauper. Makalipas ang tatlong minuto. Nagyaya si Monica na lumabas at magyosi. Lumabas ang tatlo at pumunta sa likod ng Engineering Hall.


“Akala ko ba hindi ka na nagyoyosi?” tanong ni Josh habang inaabot ang lighter kay Monica.


“Amf! Sumakit ang panga ko sa pagnguya ng bubble gum.”


Nagtawanan ang dalawa. Habang tahimik lang na nakikinig si Paolo. Tinapik ni Josh si Paolo sa likod at niyayang jumingle. Tumayo sila at lumakad sa kabilang bahagi ng Engineering Hall. Iniwan si Monica na sabik na sabik sa paghithit sa hawak na sigarilyo. At nakikinig sa dala nitong walkman.


Narating ng dalawa ang isang medyo madilim na bahagi ng hallway. Tumigil sila sa paglakad. Itinulak ni Josh si Paolo sa isang pader. Sinibasib nya ito ng halik. Lumaban si Paolo. Parang isang batang sinabik sa pagsipsip ng lollipop. Mabilis ang tibok ng dibdib nya at hinahabol ang paghinga. Bumaba ang mga halik ni Paolo. Pababa sa leeg ni Josh. Bumaba sa dibdib at bumalik muli sa leeg. Impit na ungol lang ang naririnig nya mula kay Josh.


Umakyat muli ang halik ni Paolo sa mga labi ni Josh. Napansin nyang hindi na ito lumalaban ng halik. Tiningnan nya si Josh. Tinitigan. Nakamulat ito ngunit hindi gumagalaw. Napansin nyang may tumutulo sa leeg ni Josh pababa sa dibdib nya. Tiningnan nya ang kabilang bahagi ng leeg nito. Nakita nya ang mga sugat. Maga kagat nya na napalibutan ang leeg at dibdib ng kaklase. Pinunas ni Paolo ang bibig nya sa kanyang braso. Napatitig sya sa pulang dugong gumuhit dito.





"I will color the world one step at a time..."



Thursday, July 2, 2009

PANGIL



Sa ika-labing anim na kaarawan ni Paolo, susubukan nyang mag-isa. Alam nyang kayang-kaya nya. Umaambon nang gabing iyon. Tutol man ang kanyang ama, hiniling nito na sa susunod na gabi na lang. Kapag hindi na maulan. Pero nagpumilit si Paolo. Aaalis syang mag-isa. Kahit hindi sumama ang kanyang ama. Iyon na ang huling gabing magkasama silang maghahanap.



Kinuha ni Paolo ang kanyang jacket. Sinundan sya ng kanyang ama sa dilim ng gabi. Nakarating sila sa madilim na bahagi ng parking lot ng isang sinehan. Ito ang lugar na napili ni Paolo. Tahimik silang naghintay. Nagmamatyag sa buong paligid.Isang oras na ang nakalipas, tanging sila lamang at mga kotse ang naroon. Bakas ang pagkainip sa mukha ng ama.



“Hayun sya,” bulong ni Paolo.



Isang maputing babae na may itim na buhok ang lumabas mula sa elevator. Maingay ang bawat hakbang nito. Sa tuwing magtatama ang semento at takong ng kanyang sapatos. Habang iwinawasiwas ang hawak nyang pulang payong.



“Sino sya? Pokpok ba sya?” tanong ng ama.



Isang artista ang babae. Wala syang masyadong kaibigan. Sabagay, hindi rin naman sya palakaibigan. Kaya madalas, mag-isa syang nanonood ng sine. Nakamasid sa bawat kilos nya ang mag-amang nasa dilim.Hinahanap nya ang kanyang kotse. Humakbang papalapit si Paolo. Nasipa nito ang isang latang basurahan.



Hinanap ng babae kung saan nagmula ang ingay. Bago pa sya lumingon, nasa likuran na nya si Paolo. Sinampal nya ang babae at sumubsob sa semento. Mabilis itong nakatayo at sumigaw. Hinampas nito ang hawak nyang payong. At tumama sa mukha ni Paolo. Nagpatuloy sya sa pagsigaw. Kasabay ng isang malakas na tadyak sa itlog ni Paolo. Nagtatakbo ito papalayo. Nabuwal si Paolo hawak ang kanyang harapan sa sobrang kirot. Nakita nya ang kanyang ama na akmang susunggaban ang babae.



“Huwag, akin sya!” sigaw ni Paolo.



Itinukod ni Paolo ang kanyang kamay sa semento at tumayo. Paika-ika syang tumakbo. Habang nakasalo ang kaliwang kamay nito sa kanyang harapan. Naabutan nya ang babae. Hinablot sa likod. Nabuwal sila at gumulong sa semento. Nakapatong si Paolo sa babae. Nagpumiglas ito at umiiyak. Nagmakaaawang huwag syang saktan. Ito na ang pagkakataon ni Paolo. Pinuntirya nya ang lalamunan ng babae. Buong lakas nya itong sinunggaban. Sa pagpupumiglas ng babae, nakailag ito. Hindi man lang sumayad ang labi ni Paolo. Sumubsob ang nguso ni Paolo sa magaspang na semento. Sandali siyang tumigil at lumuwag ang pagkakahawak nito sa babae. Ito ang pagkakataong hinintay ng babae. Nakatayo siya at mabilis na nagtatakbo.



“Shit!” sigaw ni Paolo habang hinahabol ang babae.



Sa pagkakataong ito mas bumilis ang mga kilos ni Paolo. Tinalon nya mula sa likuran ang babae. Ang matutulis nitong ngipin ay bumaon sa batok ng babae. Bumagsak ang babae. Dinig ni Paolo ang malakas na paghampas ng noo ng kaawa-awang artista sa basang semento. Mas lumalim ang pagbaon ng mga ngipin ni Paolo sa leeg ng babae. Wala na itong malay, kaya naging mas madali kay Paolo ang pagpatay. Sinaid ni Paolo ang dugong nanggagaling rito. Hanggang sa wala na siyang masipsip.



“Tama na yan!” suway ng kanyang ama. Hinahatak nito ang anak papalayo mula sa patay na babae.



“Iwanan mo ako!” sigaw ni Paolo. Kinagat nitong muli ang leeg ng babae. Pagkatapos ay tumingin sa ama. Nagtitigan sila.



“Ano na?” tanong ni Paolo habang pinupunasan ang dugo sa paligid ng kanyang bibig at sa baba.



“Hintayin mo ako rito. Ako na ang bahala sa katawan nya,” nakangiting sagot ng ama.



“Hindi. Ako na ang bahala. Umuwi ka na. Hintayin mo ako sa bahay,” pagtutol ni Paolo habang pinipilit na buhatin ang mabigat na katawan ng babae. “Uuwi rin ako kaagad.”





"I will color the world one step at a time..."